PVL ALL-PINOY CONFERENCE PAPALO NA

Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
4 p.m. – Akari vs Choco Mucho
6:30 p.m. – Creamline vs PetroGazz

MATAPOS ang respectable debut sa Reinforced Conference, ang Akari ay determinadong makarating sa podium sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference.

Ang pinakamalaking off-season acquisition ng Chargers ay si Dindin Santiago-Manabat, na tinawag ni Brazilian coach Jorge de Brito na “special player”.

“I’m happy to get a special player who will help us a lot with her skills and experience,” pahayag ni De Brito patungkol kay Santiago-Manabat sa pamamagitan ng social media accounts ng koponan.

“I think she can shine with us. We are here to support her and grow together,” dagdag pa niya.

Nakatutok ang lahat sa pinakaaabangang debut ni Santiago-Manabat sa Akari, na makakasagupa ang Choco Mucho sa unang laro ng kapana-panabik na opening day doubleheader ngayong alas-4 ng hapon sa Araneta Coliseum.

Maghaharap naman ang Creamline at PetroGazz, dalawa sa pinakamatagumpay na koponan sa PVL, sa main game sa alas-6:30 ng gabi.

Kinuha rin ng Chargers ang serbisyo nina libero Bang Pineda, opposite spiker Eli Soyud at Camille Victoria upang suportahan sina holdovers Janine Marciano, Erika Raagas at magkapatid na Jho at Jaja Maraguinot.