Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
2:30 p.m. – Chery Tiggo vs PLDT
5:30 p.m. – Creamline vs PetroGazz
SISIKAPIN ng kulang sa taong Chery Tiggo na malusutan ang debuting PLDT Home Fibr sa Premier Volleyball League Invitational Conference ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Wala na si main gunner Dindin Santiago-Manabat, hindi rin nakapaglaro para aa Crossovers sina Alina Bicar, EJ Laure, Justine Dorog at libero Buding Duremdes, na pawang pumasok sa health and safety protocols bago ang conference opener noong Sabado.
“Ang laking kawalan nung mga dapat na nakalagay na tao namin, so ‘yung palitan ng tao sobrang limited lang talaga,” sabi ni coach Aying Esteban makaraang walisin ang Chery Tiggo ng Choco Mucho, 21-25, 21-25, 23-25.
Nananatiling walang katiyakan ang katayuan ng apat na players sa kanilang 2:30 p.m. duel sa High Speed Hitters ,kumpiyansa pa rin si Esteban na ang nalalabing players, sa pangunguna nina Jasmine Nabor, Mylene Paat, Shaya Adorador, Maika Ortiz at second libero Julia Angeles, ay makakayanan ang sitwasyon.
Magkakasubukan ang Creamline at PetroGazz sa rematch ng Open Conference championship series sa alas-5:30 ng hapon.
Nais ni Esteban, pinalitan si Aaron Velez bilang Chery Tiggo coach sa conference break, na magpokus ang kanyang tropa sa mga bagay na makokontrol nila, ang manatiling consistent sa tuwing tatapak sila sa court.
“Kung ie-evaluate ko naman, okay naman ‘yung galawan namin. Nag-improve naman ‘yung team compared sa simula,” sabi ni Esteban, patungkol sa to third set gallant stand ng Crossover bago yumuko sa Flying Titans.
“Nandoon ‘yung galaw, nandoon ‘yung atake, ‘yung consistency lang medyo nawawala kami doon, medyo bumibigay kami sa consistency ng laro,” dagdag pa niya.
Sa kanilang panig ay nais ng PLDT na mainit na simulan ang kanilang kampanya.
“We’re looking forward to this conference with a revamped squad. But hopefully, we’ll be spared of injuries and stay healthy throughout,” ani Mika Reyes, na makakahalili si Dell Palomata sa gitna.