PVL: CREAMLINE BABAWI SA ALL-PINOY CONFERENCE

Mga laro bukas:
(Smart Araneta Coliseum)
4 p.m. – Akari vs Choco Mucho
6:30 p.m. – Creamline vs PetroGazz

HABANG ang ibang mga koponan ay kinailangang gumawa ng major movements sa off-season, nanatiling buo ang Creamline, at nakahandang rumesbak sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference.

Bagaman nagpapagaling pa si Alyssa Valdez mula sa right knee injury at hindi pa tiyak ang kanyang paglalaro sa torneo, ang Cool Smashers, dinomina ang Open Conference at ang Invitationals subalit nabigong masungkit ang pambihirang triple crown sa Reinforced Conference noong nakaraang taon, ay nasa magandang porma para makabalik sa ibabaw.

Kinuhang team captain ng Creamline ngayong season, pangungunahan ni Jia De Guzman ang kanyang tropa, kasama sina Tots Carlos, Jema Galanza, Ced Domingo at libero Kyla Atienza para sa isa na namang matagumpay na kampanya.

“Alam naman natin we have capable outside and opposite spikers. Anyone in this team can start,” sabi ni Cool Smashers coach Sherwin Meneses.

Sisimulan ng Creamline ang kanilang title-retention campaign kontra PetroGazz sa panibagong kabanata ng kanilang rivalry sa alas-6:30 ng gabi bukas sa Smart Araneta Coliseum.

Mauuna rito ang bakbakan ng Akari at Choco Mucho sa alas-4 ng hapon.

Umaasa ang Angels na mapananatili ang kanilang estado bilang isa sa best teams sa kabila ng pagkawala ni Myla Pablo.

Kinuha ng PetroGazz si dating Choco Mucho coach Oliver Almadro para palitan si Rald Ricafort, na ginabayan ang koponan sa Reinforced Conference crown bago lumipat sa PLDT ngayong season.

Kinuha rin ng two-time PVL winners sina Des Clemente at Dzi Gervacio mula sa F2 Logistics, Heather Guino-o mula sa PLDT, at Jellie Tempiatura, na huling naglaro para sa Perlas noong 2021.

Pinalakas ni Ricafort, na dinala rin si lead deputy Arnold Laniog sa High Speed Hitters, ang kanyang bagong koponan sa pagkuha kina Michelle Morente at Ysa Jimenez.