PVL: EX-NCAA MVP DAPOL SWAK SA CHERY TIGGO

PORMAL nang tumalon si NCAA standout Mary Rhose Dapol sa professional ranks at umanib sa Chery Tiggo Crossovers para sa 2024 PVL Reinforced Conference.

Inanunsiyo ng Chery Tiggo ang pagkuha kay Dapol kahapon.

Si Dapol ay eligible na laktawan ang darating na  inaugural Rookie Draft ng Premier Volleyball League dahil nakapaglaro na siya para sa Foton sa 2023 Invitational Conference sa ilalim ng special guest license.

Ayon sa PVL rules, ang mga nakapaglaro na para sa anumang koponan sa anumang league tournament ay hindi na kailangang dumaan sa draft selection.

Si Dapol, dating NCAA MVP mula sa University of Perpetual Help System DALTA, ay isang ‘key cog’ sa runs ng Lady Altas sa nakalipas na tatlong seasons.

Ang kanyang pinakamalaking run ay noong  Season 98, kung saan gumawa ang Lady Altas ng impresibong run sa elimination round upang tumapos sa ikalawang puwesto at makakuha ng Final Four berth tungo sa pagkopo ng top individual honor.

Gayunman ay natalo sila sa  Lyceum of the Philippines University sa stepladder semifinals upang hindi makapasok sa finals.

Sa kanyang huling taon sa Season 99, gayunman, ay nabigo ang Perpetual na maduplika ang naturang tagumpay makaraang mawala sa Final Four picture na may 5-4 kartada.

Makakasama ni  Dapol sa Chery Tiggo sina  Eya at  EJ Laure, Mylene Paat, Ara Galang, Aby Maraño, Jen Nierva, at  import Khat Bell.