PVL: HIGH SPEED HITTERS NANALASA

PVL

Mga laro bukas:
(Filoil Flying V Centre)
2:30 p.m. – Cignal vs Choco Mucho
5:30 p.m. – Army-Black Mamba vs PetroGazz

SINAMANTALA ng PLDT Home Fibr ang kakulangan sa tao ng Chery Tiggo upang itarak ang 25-18, 25-19, 25-14 panalo sa Premier Volleyball League Invitational Conference kahapon sa Filoil Flying V Centre.

Nanguna si Mika Reyes para sa High Speed Hitters na may 15 points, kabilang ang 3 blocks, habang nagdagdag sina Chin Chin Basas at Jules Samonte ng 14 at 11 points, ayon sa pagkakasunod.

Impresibo rin si Fiola Ceballos para sa PLDT na may 10 points, 14 digs at 7 receptions, habang gumawa si Rhea Dimaculangan ng 21 excellent sets.

“We’ve been training hard, pushing ourselves. Winning our first game is so important but we need to practice more and polish everything,” sabi ni Reyes.

Gigil na makabawi mula sa disappointing run sa nakalipas na conference, ang High Speed Hitters ay determinadong pagbutihin ang kanilang performance ngayong season.

“We’re getting the kind of chemistry missing in the past. We wanted to start strong and our goal was to win our first game and hope to sustain the momentum,” ani coach George Pascua, kung saan mapapalaban ang PLDT sa Creamline sa Sabado.

Hindi pa rin nakapaglaro para sa Crossovers si injured Dindin Manabat, gayundin sina EJ Laure, Buding Duremdes, Alina Bicar at Justine Dorog dahil sa health and safety protocols.

Nahulog ang Chery Tiggo sa 0-2 sa ilalim ni bagong coach Aying Esteban.