Mga laro ngayon:
(Ynares Center)
2:30 p.m. – Army-Black Mamba vs Creamline
5:30 p.m. – Cignal vs PLDT
MAGTATAGPO ang Creamline at Army-Black Mamba sa ikalawang pagkakataon sa loob ng isang linggo sa paglipat ng Premier Volleyball League Invitational Conference sa Ynares Center sa Antipolo City ngayon.
Sa kabila ng dominanteng 25-20, 25-22, 25-16 panalo ng Cool Smashers kontra Lady Troopers sa pagtatapos ng eliminations, naniniwala si skipper Alyssa Valdez na marami pang kailangang gawin ang koponan kung nais nitong makopo ang isa sa dalawang Finals slots sa six-team semifinals.
Tinapos ang elims na may league-best 5-1 record, ang Creamline, tulad ng iba pang semifinalists, ay magsisimula sa scratch.
“I think as a team we really have to improve on a lot of things pa,” sabi ni Valdez, na tumipa ng 15 points at 11 receptions kontra Army.
“More on cohesiveness and to lessen our errors pa so yun yung mga kailangan naming i-adjust pa coming into the semifinals lalong lalo na siyempre mas tight yung games and we have two foreign teams na makakalaban pagdating sa second round.
Magsasalpukan ang Cool Smashers at Lady Troopers sa alas-2:30 ng hapon.
Target ng PLDT ang ikalawang sunod na panalo sa semis kontra sister team Cignal sa isa pang laro sa alas-5:30 ng hapon.
Naitala ng High Speed Hitters ang 25-19, 25-20, 21-25, 25-22 panalo laban sa HD Spikers na nagbigay sa kanila ng puwesto sa semifinals noong nakaraang linggo.
Sa naturang game, naglaro ang Cignal na wala sina skipper Rachel Anne Daquis, Jerrili Malabanan, Roselyn Doria, Ayel Estrañero at Chai Troncoso, na nasa ilalim ng health and safety protocols.
Umaasa ang HD Spikers na maki-clear ang limang players para sa kanilang unang semifinals match kasama ang kanilang top scorer na si Ces Molina, na nagtamo ng sprained right ankle noong nakaraang linggo at hindi nakapaglaro sa elimination round finale ng koponan.
“Hopefully maging healthy na lahat kami kasi ang hirap. Grabe ‘yung na-encounter namin pero kami inaccept namin in a positive way and alam ko may magandang purpose din si Lord. Kailangan lang namin maging strong and talagang laban ng laban,” sabi ni Cignal coach Shaq delos Santos.