WINALIS ng Creamline Cool Smashers ang KingWhale ng Chinese-Taipei, 25-21, 25-19, 25-8, upang makopo ang PVL Invitational Conference title sa one-game finals kahapon sa Mall of Asia Arena.
Sa pagiging kampeon ay kakatawanin ng Creamline ang Pilipinas sa 2022 AVC Cup for Women na gaganapin sa bansa sa August 21-29.
Nauna na ring dinomina ng Creamline ang Open Conference noong Mayo. Ito na ang kanilang ika-5 PVL championship sa pitong Finals appearances.
Samantala, dinispatsa ng Cignal ang PLDT, 17-25, 20-25, 27-25, 25-22, 15-5, upang kunin ang bronze medal.
Lugmok sa dalawang sets at naghahabol sa 4 -13 sa third, nabuhayan ang HD Spikers nang bumanat si Roselyn Doria ng clutch hits upang biguin ang High Speed Hitters.
Kalaunan ay naipuwersa ng Cignal ang deciding set at kumarera sa 6-0 bentahe sa fifth sa pangunguna ni setter Gel Cayuna na nagbigay ng tatlong service aces.
Nakumpleto ng HD Spikers ang come-from-behind victory makaraang bumanat si skipper Rachel Anne Daquis ng match-clinching kill.
Ito ang ikalawang sunod na third place trophy ng Cignal matapos ang podium finish sa Open Conference.
Nakalikom si Mika Reyes ng 19 points, kabilang ang 6 blocks at 2 service aces, Dell kumana si Dell Palomata ng 17 kills habang nag-ambag si Erika Santos ng 14 kills para sa PLDT.
Nagdagdag sina Chin-Chin Basas at Jules Samonte ng 12 at 11 points, ayon sa pagkakasunod, habang nagtala si veteran playmaker Rhea Dimaculangan ng 24 excellent sets para sa High Speed Hitters.