PVL INVITATIONAL CONFERENCE HANDA NA

PVL

PAPALO na ang PVL Invitational Conference sa July 9 sa FilOil Flying V Centre sa San Juan kung saan mapapalaban ang mga local team sa dalawang foreign squads.

Pitong local clubs, sa pangunguna ng Creamline na target ang back-to-back championships makaraang gapiin ang Petro Gazz sa katatapos na Open Conference ang local clubs, kasama ang Angels, Chery Tiggo Crossovers, Cignal HD Spikers, Choco Mucho Flying Titans, Army Black Mamba Troopers at ang PLDT High Speed Hitters ang magbabakbakan sa elimination round.

Ang top four teams ay uusad sa semis, kung saan sasamahan sila ng Kobe Shinwa Women’s University at ng KingWhale Taipei.

“We foresee that this will be an exciting conference,” wika ni PVL President Ricky Palou sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa Century Park Hotel.

Puspusan ang paghahanda ng mga koponan para sa conference dahil batid nilang mapapalaban sila sa foreign teams.

“The team from Taiwan is a club team, a strong team. They’re one of the better club teams in Taiwan,” pahayag ni Palou patungkol sa KingWhale squad.

Samantala, ang Kobe Shinwa ay kinabibilangan ng collegiate players, ngunit nagbabala si Palou na hindi ito dapat maliitin ng PVL teams.

“We should not take them for granted, because they’re one of the top collegiate teams in Japan. They’re going to be a team to reckon with,” aniya.

Ang Kobe Shinwa ay dating lumahok sa Philippine Superliga bilang guest team noong 2017.

Sa pagbubukas ng conference sa July 9 ay maghaharap ang Army at Cignal sa alas- 2:30 ng hapon, na susundan ng salpukan ng Chery Tiggo at Choco Mucho sa alas-5:30 ng hapon.