Mga laro bukas:
(Mall of Asia Arena)
2:30 p.m. – Cignal vs KingWhale
5:30 p.m. – Philippines vs Creamline
ANTIPOLO – Lalaro ang Philippine women’s volleyball team na binubuo ng core ng reigning UAAP champion National University sa Premier Volleyball League Invitational Conference semifinals makaraang umatras ang Kobe Shinwa Women’s University sa torneo.
Kinailangan ng Japan na umurong sa paglalaro sa semifinals makaraang magpositibo sa COVID-19 ang isa sa student-athletes nito.
“The Kobe Shinwa Women’s University told us that they won’t be able to fly to the country last night (Friday) because one of their players tested positive and the rest of the team were close contacts,” sabi ni Sports Vision president Ricky Palou sa isang television interview.
Samantala, nakapasok ang Cignal HD sa win column at sinibak ang Army-Black Mamba, 26-24, 26-28, 25-18, 18-25, 16-14, sa harap ng good-sized crowd kahapon sa Ynares Center dito.
Nagbuhos si Ria Meneses ng 23 points, kabilang ang 2 blocks, para sa HD Spikers na pinutol ang three-match losing skid na nagmula pa sa elimination round upang umangat sa 1-1, habang sibak na sa kontensiyon ang Lady Troopers sa kanilang ikatlong sunod na semis loss.
“Sobrang thankful. Kasi medyo mabigat ang talaga pinagdaanan namin bago mag-start ang semis,” sabi ni Cignal coach Shaq delos Santos. “Respect din ‘yung Army, grabe ang nilaro nila.”
Inaabangan na ng HD Spikers ang kanilang duelo sa national women’s team sa susunod na linggo sa kanilang pagtatangka na makapuwesto sa one-match championship.
“Happy kami. Una, makakalaban namin yung national team and at the same time, good exposure for them para sa kanilang preparation para sa AVC Cup,” sabi ni Delos Santos, na ginabayan ang Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games noong 2019.
“Puro promising ang maglalaro kaya ire-respeto namin sila. Hindi kami puwedeng maging complacent,” aniya.