Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
2:30 p.m. – F2 Logistics vs Chery Tiggo
5:30 p.m. – PetroGazz vs Choco Mucho
SISIMULAN na ng Petro Gazz ang pagdepensa sa Premier Volleyball League Reinforced Conference title sa pagsagupa sa Choco Mucho ngayon sa Philsports Arena.
Pangungunahan ni outside hitter Lindsey Vander Weide ang kampanya ng Angels sa season-ending tournament, umaasang makabawi mula sa nakadidismayang pagtatapos sa naunang conference.
Makaraang matalo sa Creamline sa Open Conference Finals, ang PetroGazz ay nabigong makapasok sa Final Four ng Invitationals dahil sa injuries.
Ayon kay Rald Ricafort, isa sa mga miyembro ng coaching staff ng Angels, ang koponan ay ganap nang nakarekober, at handang makipagsabayan sa “best of the best”, sa pangunguna nang buo pang Cool Smashers, na target na makumpleto ang sweep sa championships ngayong season.
“It’s been a long time (since the 2019 finals). In those three years, we have changed rosters three times. But we’ll still try to get the championship,” sabi ni Ricafort.
Sa pangunguna ni Uzbek-Azerbaijani Odina Aliyeva, umaasa ang Flying Titans na maagang makapagpasiklab sa kanilang 5:30p.m.match.
Nakopo ng Petro Gazz ang kanilang nag-iisang PVL title noong 2019 sa likod ng fiery duo nina Janisa Johnson at Wilma Salas.
Sa iba pang laro ay magsasalpukan ang F2 Logistics at Chery Tiggo sa alas-2:30 ng hapon.
Magbabalik ang Cargo Movers makaraang lumiban sa Invitational Conference kontra Crossovers, na target makabawi mula sa pangungulelat sa nakaraang torneo.
Ang F2 Logistics ay tumapos sa sixth place sa Open Conference. Ngunit sa malakas na lineup at winning mindset, ang Cargo Movers ay inaasahang magpapamalas ng solid game para sa kanilang sariling title campaign.
Muling makakasama ni American reinforcement Lindsay Stalzer si Kalei Mau sa kanilang pinakaabangang PVL debut para sa F2 Logistics.
Pangungunahan ni Montenegrin import Jelena Cvijovic ang Chery Tiggo para suportahan si left-handed hitter Mylene Paat.