Standings W L
Cignal 4 0
Creamline 2 1
Army 2 1
PLDT 2 1
Choco Mucho 1 2
Chery Tiggo 1 3
PetroGazz 0 4
Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
2:30 p.m. – Army vs PLDT
5:30 p.m. – Creamline vs Choco Mucho
MAGSISIMULA ulit makaraang putulin ng Cignal ang 10-match winning run ng Creamline, batid ni team captain Alyssa Valdez na hindi na magiging madali ang mga bagay simula ngayon.
“Very important. I think as a team kailangan talaga naming matuto,” sabi ni Valdez makaraang malasap ng Cool Smashers ang 21-25, 24-26, 25-14, 22-25 pagkatalo sa HD Spikers sa duelo ng unbeaten teams noong Huwebes ng gabi sa Sta. Rosa, Laguna.
“Sometimes, when you are there, hindi mo rin alam kung ano mga things na kailangan ninyo pang pag-aralan. So now, kailangan naming mag-reassess, mag-reflect.
“We are happy this happened also. Maging learning experience ito para sa amin,” dagdag ni Valdez.
Sisikapin ng Creamline na maibalik ang kanilang winning ways kontra sister team Choco Mucho ngayong alas-5:30 ng hapon sa Premier Volleyball League Invitational Conference sa Mall of Asia Arena.
Sasagupain ng Cool Smashers ang Flying Titans na nahaharap sa health issues kina Kat Tolentino, Desiree Cheng, Cherry Nunag at libero Thang Ponce, at sa season-ending injury ni middle blocker Aduke Ogunsanya.
Muling natalo ang Choco Mucho noong Huwebes ng gabi at inanunsiyo ng koponan sa kanilang social media accounts na nagtamo si Ogunsanya ng ACL sa kanyang kanang tuhod.
Ang Flying Titans ay nasa labas ng top four range na may 1-2 record. Ang tatlong koponan na nasa ilalim ay masisibak matapos ang single-round eliminations.
“Choco Mucho is doing well also, unfortunately, merong mga nawala sa kanila. But we are praying na makabalik sila this Saturday,” ani Valdez.
“We are just gonna be prepare for them. As a team, siguro individually, we have to know saan kami nagkukulang,” dagdag pa niya.
Magsasalpukan ang PLDT Home Fibr at Army-Black Mamba sa unang laro sa alas-2:30 ng hapon.
Ang Lady Troopers at High Speed Hitters ay katabla ng Cool Smashers sa second place na may 2-1 kartada.
Gumanap si Jules Samonte ng bagong papel bilang outside spiker, dinomina ng PLDT ang PetroGazz, 22-25, 25-22, 25-17, 21-25, 16-14, noong Huwebes.
“Every game we have to do our best to win. And siyempre wala po dapat mag-relax and keep on working hard in training,” wika ni Samonte, kumana ng 18 points at 15 digs.
Nanalo naman ang Army ng dalawang sunod, kabilang ang 25-22, 22-25, 26-24, 25-19 kontra Choco Mucho noong Martesz
“’Yung 2-1 (record), malaking advantage na. Parang may pundasyon na kami para sa top four,” sabi ni Lady Troopers assistant mentor Rico de Guzman, na humalili kay head coach Kungfu Reyes sa dalawang naturang panalo.