PVL: TOP SPOT NABAWI NG CHERY TIGGO

Standings W L
Chery Tiggo 3 0
Creamline 2 0
PetroGazz 1 1
Cignal 1 1
Choco Mucho 1 1
PLDT 1 1
Akari 1 2
F2 Logistics 1 2
UAI-Army 0 3
Mga laro bukas:
(Santa Rosa Multipurpose Sports Complex)
2:30 p.m. – PetroGazz vs Akari
5:30 p.m. – Creamline vs Cignal

DINISPATSA ng Chery Tiggo ang baguhang Akari, 23-25, 25-21, 21-25, 25-21, 15-6, upang mabawi ang solo lead sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena.

Napuwersa sa decider sa unang pagkakataon ngayong season, ang Crossovers ay natalo sa dalawa sa unang tatlong sets bago kinuha ang sumunod na dalawa upang umangat sa 3-0 record.

Batid ni skipper Mylene Paat, na pinangungunahan ang Chery Tiggo sa season-ending conference, na kailangang maging agresibo ng kanyang koponan sa pagpapatuloy ng torneo.

“Nandoon na ang chemistry. We have to work out how to win,” sabi ni Paat, nanguna sa Crossovers na may 19 points, kabilang ang 2 blocks. “Ang sabi ko sa mga teammates ko, kung gusto ninyong manalo, trabahuin ninyo.”

Kumana si Cza Carandang ng 2 service aces upang tumapos na may 18 points, habang bumanat si Montenegro’s Jelena Cvijovic, na pinangunahan ang dominasyon ng Chery Tiggo sa fifth set, ng team-highs 4 blocks at 3 aces upang tumapos na may 16 points na sinamahan ng 13 receptions.

“It was a tough match,” ani Cvijovic.

Masaklap ang pagkatalo ng Chargers, na patungo na sa upset win sa likod nina Dominican Republic’s Prisilla Rivera at Janine Marciano ngunit kinapos sa huli.

Nagtala si Rivera ng 30 points, habang nag-ambag si Marciano ng 24 points, 18 digs at 14 receptions.

Nahulog ang Akari sa 1-2 katabla ang F2 Logistics sa lower half ng standings.