Standings W L
Creamline 2 0
Chery Tiggo 2 0
F2 Logistics 2 0
Choco Mucho 1 1
PetroGazz 1 1
PLDT 0 1
Army-Black Mamba 0 1
Akari 0 2
Cignal 0 2
Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
4 p.m. – Cignal vs Akari
6:30 p.m. – Choco Mucho vs Creamline
SISIKAPIN ng Alyssa Valdez-less Creamline na maipagpatuloy ang impresibong simula sa pagsagupa sa sister team Choco Mucho sa eksplosibong Valentine’s night clash sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayon sa Araneta Coliseum.
Target ang solo lead sa 6:30 p.m. match, nakahanda ang Cool Smashers sa anumang maaaring ipakita ng Flying Titans sa kabila ng pagkatalo sa kanilang huling laro.
Habang nakopo ng Creamline ang back-to-back straight-set victories, na-split ng Choco Mucho ang kanilang unang dalawang laro, nagwagi kontra Akari at yumuko sa PetroGazz na hawak ng kanilang dating coach na si Oliver Almadro.
Inaabangan na ni Cool Smashers mentor Sherwin Meneses ang paghaharap nila ng kanyang college teammate at close friend Dante Alinsunurin, na gumagabay ngayon sa Flying Titans.
“Every training naman, gusto namin nag-iimprove kami,” sabi ni Meneses, assistant ni Alinsunurin para sa national men’s squad na nagwagi ng makasaysayang silver sa 30th Southeast Asian Games noong 2019. “Let’s see na lang sa Choco Mucho kung ano pa yung mailalabas ng team.”
“Siguro efficiency na lang sa lahat ng player na sa combination namin maging maganda pa lalo. Kasi malalaki rin talaga ang Choco Mucho. Siyempre, yung sistema ni coach Dante, talaga gusto nila, malalaki talaga, sa blocking talaga,” dagdag pa niya.
“Sana sa next game, maging maganda ang combination namin.”
Sisikapin ni Creamline captain Jia de Guzman na madaig ang kanyang counterpart Deanna Wong, na sinisikap pa ring mag-adjust sa subok nang sistema ni Alinsunurin sa paggawa ng plays.
Kahit wala si Valdez, ang Cool Smashers ay solido sa presensiya nina Michele Gumabao, Tots Carlos at Jema Galanza, kasama sina middles Ced Domingo at Jeanette Panaga.
Bagama’t maganda ang nilalaro ng Flying Titans sa pangunguna nina Kat Tolentino, Isa Molde at Des Cheng, kailang mag-improve ang koneksiyon ni Wong kina middles Maddie Madayag at Bea de Leon.
Tulad ng napatunayan sa 18-25, 20-25, 21-25 pagkatalo ng Choco Mucho sa PetroGazz noong nakaraang Huwebes, batid ni Alinsunurin na marami pang dapat ayusin ang kanyang koponan.
“‘Yung problema namin sa loob kanina is ‘yung service receive namin. Medyo off talaga ‘yung ano namin, medyo mababa ‘yung porsiyento namin. Ngayon ‘yung gusto naming mangyari sa court hindi namin magawa kasi sa sobrang baba ng porsiyento sa serve namin at sa receive namin,” sabi ni Alinsunurin.
“Siguro talagang ano, kailangan pa namin talaga na maging consistent sa ginagawa. Sabi ko nga, nagsisimula pa lang kami. Kung anuman ‘yung nagiging sitwasyon namin ngayon, kailangan namin talagang tanggapin at pag-aralan kung ano yung dapat naming gawin sa susunod,” dagdag pa niya.
Magsasalpukan naman ang winless squads Cignal af Akari sa unang laro sa alas-4 ng hapon.