QRF NG GOV’T AGENCIES PINAGAGAMIT SA  ‘ODETTE’ VICTIMS

IMINUNGKAHI ni Deputy Speaker Isidro Ungab na i-tap o gamitin ang natitira sa QuicknResponse Fund (QRF) ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa mga biktima ng bagyong Odette.

Sinabi ng dating Appropriations chairman na makatutulong ito para makalikom ng kinakailangang P10 billion para sa mga kababayang sinalanta ng bagyo katulad na rin ng ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Ungab, maaaring gamitin ang natitirang QRF ng iba’t ibang tanggapan para sa reconstruction at rehabilitation ng mga lugar na sinalanta ng bagyo.

Maaari rin, aniya, itong gamitin para sa pre-positioning ng mga pagkain at kagamitan na kailangan para sa relief at assistance ng mga biktima ng kalamidad.

Kung available pa ang mga QRF ng ilang ahensiya ng pamahalaan, makakaipon, aniya, ang gobyerno ng higit P7 billion para sa mga pamilyang apektado ng bagyo.

Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act ay tinukoy ng kongresista ang mga sumusunod na ahensiya na may QRFs: DA-OSEC, P1 billion; DEP-ED, P 2 billion; DOH-OSEC, P 520 million; DILG-BFP, P 50 million; DILG-BJMP, P 50 million; DND-OCD, P 500 million; DPWH-OSEC, P 1 billion; at DSWD-OSEC, P 1.250 billion.

“If there are funds still available from these QRFs, which can only be determined by the said agencies,  they can immediately utilize these QRFs or request the DBM to augment these funds in order for them to quickly respond to the pressing needs of the disaster-stricken areas,” ani Ungab. CONDE BATAC