RAMIREZ KUMPIYANSA SA SEAG, OLYMPIC CAMPAIGN NI DIAZ

Chairman William Ramirez

“SHE will make it.”

Ito ang tiwalang pahayag ni Team Philippines Chef de Mission at Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez sa courtesy visit ni IWF World  Weightlifting Championships double bronze medalist Hidilyn Diaz sa Rizal Memorial Sports Complex kahapon.

Ang 28-anyos na si Diaz ay nagwagi ng dalawang bronze medals sa 55kg division makaraang bumuhat ng pinagsamang timbang na 214kg sa snatch at clean and jerk categories sa naturang torneo. Kailangan niya ng dalawa pang kumpetisyon para selyuhan ang kanyang slot sa Tokyo Olympics.

Winelcome ni Ramirez sina three-time Olympian Diaz, Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) President Monico Puentevella, at ang iba pa sa national weightlifting team na sumabak sa Pattaya, Thailand kamakailan.

Sa pagbati sa bronze win ni Diaz, sinabi ni Ramirez na, “Para sa akin, gold medal iyon,” at idinagdag na kumpiyansa siya na magwawagi si Diaz ng medalya sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games, na isa sa tatlong qualifiers na kanyang lalahukan bilang bahagi ng kanyang Olympic journey.

“I would like to thank the PSC and other sponsors for their continuous support to my campaign. Now, I will continue on my mission to qualify and win gold in Tokyo, and also represent the country for the SEA Games,” ani Diaz, na target ang kanyang unang gold medal finish sa SEA Games sa Nobyembre.

Tiniyak ni Ramirez kay Diaz na susuportahan ng sports agency ang kanyang tatlong iba pang qualifying competitions.

Sinabi ni Diaz na nakapokus siya sa kanyang misyon na manalo ng Olympic gold.

Ayon kay Puentevella, bukod kay Diaz, tatlong iba pang weightlifters ang nakatakdang mag-qualify para sa Tokyo 2020 Olympics. “We are also looking at our veteran weightlifter Nestor Colonia, Elreen Ando and Kristel Macrohon to join Hidilyn to qualify and compete in Tokyo.”

Hinikayat ni Ramirez ang publiko na suportahan at ipagdasal si Diaz, at huwag itong i-pressure sa mga darating na buwan.

“The government will continue to give its utmost support for Hidilyn and all our competing athletes in the Southeast Asian Games,” anang sports agency chief.