RAMIREZ, TOLENTINO NAGBIGAY-PUGAY KAY HIDILYN, OLYMPIC HEROES

SA HALIP na ipagmalaki ang kani-kanilang kontribusyon ay nagbigay-pugay ang top two sports officials ng bansa sa outstanding athletes, sa pangunguna ni weightlifter Tokyo Olympic gold medalist Hidilyn Diaz, noong Lunes ng gabi.

Kapwa pinamunuan ang pinakamatagumpay na kampanya ng bansa sa Olympiad noong nakaraang taon, sina Philippine Sports Commission Chairman William ‘Butch’ Ramirez at  Philippine Olympic Committee President Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino ay nagpakumbaba sa pagkilala sa kanila ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa San Miguel Corporation-PSA Awards Night sa Diamond Hotel sa Manila.

“Together we were a part of Philippine sports history. I share this award with all of you. For I cannot claim this one (award) alone. This award is not mine,” sabi ni Ramirez makaraang tanggapin ang PSA Leadership in Excellence Award, kung saan sinamahan siya sa stage nina Commissioners Ramon Fernandez, Celia Kiram, Charles Maxey, at  Eng. Arnold Agustin.

“One of the reasons that this night is extra special is that we are all celebrating the greatest sports achievement of the Filipino people, our first Olympic gold in Hidilyn Diaz. Coupled with the biggest Olympic medal haul in recent years,” ayon pa sa PSC chief.

Ang tinutukoy niya ay ang  silvers nina boxers Nesty Petecio at Carlo Paalam, at ang bronze ni fellow ring warrior Eumir Felix Marcial na nagsemento sa epic drive ng bansa sa Land of the Rising Sun.

“I am blessed to be given a chance to witness this milestone as one of the elders of these excellent Filipino athletes. Taos-pusong pasasalamat po,” pahayag ni Ramirez sa masaganang legasiya na kanyang iiwan bilang pinuno ng government sports agency.

“Let’s sustain the Philippine sports momentum para sa ating bayan. Para sa ating kabataan. Let’s work together for the better and successful Philippine sports,” dagdag pa niya.

Ang damdamin ni Ramirez ay ibinahagi ni Tolentino, na ginawaran ng PSA  Executive of the Year Award, at sinabing: “This is not for me. This is for the 19 Tokyo Olympians. Para sa kanila ang award na ito, led by our gold medalist Hidilyn Diaz. Para sa kanila ito at hindi para sa akin.

“Ito ay para sa mga atleta, coaches, and officials. Nagsi-simula pa lang po tayo. Mahaba pa po ang ating tatahakin. We will move on. Maraming, maraming salamat sa inyong lahat.”

Pinakamaningning sa gabi si Diaz, na pinarangalan ng pinakamatandang media group sa bansa na binubuo ng sports editors at writers mula sa print at online, sa ikatlong pagkakataon sa engrande at masayang okasyon na itinaguyod ng PSC, POC, at  Cignal TV.

Ang ipinagmamalaki ng Zamboanga City ay nauna nang kinilala noong 2017 sa pagwawagi ng silver medal sa 2016 Rio Olympics at noong 2019 para sa kanyang gold sa 2018 Asian Games, kasama sina golfers Yuka Saso, Bianca Pagdanganan, at Loise Kay Go at street skateboarder Margielyn Arda Didal.

Kuminang sa kanyang golden gown at sinamahan ni coach at fiancé Julius Naranjo, si Diaz ay nagbigay ng mensahe sa gala affair na suportado rin MILO (official choco milk), 1Pacman, Philippine Basketball Association, Philracom, Rain or Shine, ICTSI, Chooks To Go, MVP Sports Foundation, at  Smart.

“Naaala ko noon pangarap ko lang na makapunta dito sa PSA Awards. Nakikita ko sina Ate  Marestella Torres (long jumper and former PSA Athlete of the Year Awardee).  Little did I know…  wala talagang impossible no?” aniya.

“Ibig sabihin lang nito na walang imposible at kaya nating mga Pilipino na manalo ulit ng ginto sa Olympics. Kung nagawa ko, kaya ng iba pang Filipino athletes,” pagbibigay-diin ni Diaz.

“Sabi nila dati napakataas kong mangarap. Bakit hindi?. Isa kaya na magandang bagay na libreng gawin ang mangarap. Kaya kung ikaw at tayong lahat patuloy lang mangarap,” ani Diaz na naging emosyonal nang i-replay sa giant screen ang kanyang tagumpay.

Binanggit ng four-time Olympic veteran sina Chinese coach Gao Kaiwen, Naranjo. at ang iba pang miyembro ng kanyang support team sa pagkakaroon ng katuparan ng kanyang pangarap, habang kinilala ang mga hamon at pagsubok na kanyang kinaharap sa pag-abot sa kanyang golden Olympic goal.

“Hindi puwedeng walang pagsubok kasi yon ang nagpapatibay sa atin. Okay lang ilang beses magkamali, ilang beses na matalo . Ang  mahalaga ay natututo tayo at makabangon. Kayang-kaya natin ito na mas marami pang Pilipino na mananalo sa Olympics at makakuha ng ginto,” aniya.

“Laban atletang Pilipino, laban Pilipinas! Maraming salamat po.”