AKLAN – DAHIL may mga kalsadang hindi madaanan bunsod ng pag-ulan, magpapatupad ang Department of Public Works and Highways (DPWH)-Aklan ng re-routing para sa mga sasakyan na dumaraan sa bahagi ng national highway na sakop ng Barangay Tulingon, Nabas.
Ang nasabing kalsada ay pangunahing dinaraanan ng mga sasakyan papuntang Boracay.
Ayon kay DPWH-Aklan District Engineer Noel Fuentebella, gumuho ang kalahating bahagi ng kalsada dahil sa mga nagdaang pag-ulan bunsod ng mga bagyong Henry, Inday at Josie.
Magiging epektibo, aniya, ang pagbabawal sa oras na simulan ang rehabilitasyon at pag-aayos sa ikatlong linggo ng Agosto.
Sinabi ni Engr. Fuentebella na batay sa kanilang plano, ang mga apektadong motorista na patungong bayan ng Malay, lalo na sa Barangay Caticlan, ang jump off point papuntang Boracay ay dadaan sa Barangay Pandan, Antique, palabas ng Buruanga, Aklan.
Habang ang manggagaling sa bayan ng Kalibo papuntang Nabas proper ay puwede pang makadaan.
Napag-alaman na nasa 80 meters ang lalim ng aayusing bahagi ng kalsada na may nakalaang pondo na P9 million. EUNICE C.
Comments are closed.