NAGPASABOG si Damian Lillard ng 51 points at 12 assists upang pangunahan ang Portland Trail Blazers sa 124-107 panalo laban sa bisitang Utah Jazz noong Sabado ng gabi.
Kumonekta si Lillard ng 17 sa 29 field-goal attempts at naipasok ang lahat ng kanyang walong free throws tungo sa kanyang ikatlong 50-point effort sa nakalipas na anim na laro at ika-4 sa season. May average siya na 48.8 points sa six-game stretch.
Naisalpak ni Lillard ang 9 sa 15 3-point attempts upang maging unang player sa kasaysayan ng NBA na nakapagpasok ng hindi bababa sa anim na 3-pointers sa anim na sunod na laro. Gumawa siya ng 49 sa stretch, na isa ring record para sa pinakamarami sa six-game span.
Nagdagdag si Hassan Whiteside ng 17 points, 21 rebounds at 3 blocked shots para sa Portland, na nakopo ang ika-4 na sunod na panalo at ika-5 sa huling anim.
Umiskor si Donovan Mitchell ng 25 points at nag-ambag sina Bojan Bogdanovic at Mike Conley ng tig-22 subalit hindi napigilan ang Utah sa paglasap ng season-worst fourth straight game.
Gumawa si Carmelo Anthony ng Portland ng 15 points makaraang hindi sumama sa koponan para sa road game noong Biyernes kontra Los Angeles Lakers.
Si Anthony ay malapit na kaibigan ni Kobe Bryant – na nasawi sa isang helicopter crash kasama ang walong iba pa noong nakaraang Linggo – at nakisaup na huwag sumama sa biyahe habang nagluluksa sa pagkamatay ng NBA legend.
Nagdagdag si CJ McCollum ng 14 points para sa Portland, na bumuslo ng 51.1 percent mula sa field at 15 of 29 mula sa 3-point range.
Sa iba pang laro ay pinayuko ng Los Angeles Lakers ang Sacramento Kings, 129-113; nadominahan ng San Antonio Spurs ang Charlotte Hornets, 114-90; ginapi ng Boston Celtics ang Philadelphia 76ers, 116-95; sinilat ng New York Knicks ang Indiana Pacers, 92-85; pinadapa ng Miami Heat ang Orlando Magic, 102-89; ginapi ng Dallas Mavericks ang Atlanta Hawks, 123-100; natakasan ng Washington Wizards ang Brooklyn Nets, 113-107; at nilampaso ng Golden State Warriors ang Cleveland Cavaliers, 131-112.
Comments are closed.