(Rekomendasyon ng Senate panel) PALAYASIN NA ANG POGOs

SUPORTADO ng mga senador ang committee report sa isinagawang imbestigasyon ng Senate Committee on Ways and Means kaugnay sa mga pakinabang o benepisyo at perwisyong hatid ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.

Nakapaloob sa rekomendasyon ng Committee Report no. 136 ang tuluyan at agarang pagpapalayas sa mga POGO sa Pilipinas.

Nakasaad din sa report ang apela ng komite sa executive department na agad tugunan ang rekomendasyon ng Senado sa pamamagitan ng agarang pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng mga POGO.

Inaatasan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na hanapan ng alternatibong trabaho ang mga Pilipinong maaapektuhan at mawawalan ng trabaho dahil sa POGOs.

Hinimok naman ang Bureau of Immigration (BI) na kanselahin at bawiin ang working visa na unang inisyu sa mga dayuhang nagtatrabaho sa POGO industry at ang agad na pagpapatupad ng deportation sa mga ito salig sa immigration rules at regulations.

Ayon kay Senate Ways and Means Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian, ang rekomendasyon ng komite ay isang mahalagang hakbang para mapigilan ang paglaganap ng krimeng nagmumula sa ilang kompanya ng POGOs.

Matatandaang nagsagawa ng imbestigasyon ang Senado patungkol sa mga krimeng kaakibat ng POGOs at inabot ng ilang buwan bago naglabas ng kanilang rekomendasyon ang komite at nagkasundong imungkahi ang tuluyang pagpapalayas sa mga POGO sa bansa.

VICKY CERVALES