REMITTANCES NG OFWs RECORD HIGH ($34.884-B noong 2021)

BSP

TUMAAS ang personal remittances ng overseas Filipinos sa ba- gong record high noong nakaraang taon, kung saan nahigitan pa nito ang pre-pandemic figures, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa isang statement, sinabi ng central bank na ang personal remittances mula sa overseas Filipinos ay pumalo sa  $34.884 billion noong 2021— mas mataas sa $33.194 billion na naitala noong 2020 at sa $33.467 billion noong 2019.

Para sa December lamang, ang personal remittances ay nagtala ng year-on-year growth na 2.9% para maiposte ang “highest” monthly level sa $3.298 billion.

Ayon sa BSP, ang paglago ay sa likod ng pagtaas ng remittances mula sa land-based workers na nagtatrabaho ng hindi bababa sa  isang taon kung saan nagpadala sila ng $27.005 billion, na tumaas ng 5.6% mula sa naunang taon.

“The growth in personal remittances reflected a pickup in OFW deployment, strong demand for OFWs amid the reopening of host economies to foreign workers, and the continued shift to digital support that facilitated inward transfer of remittances,” sabi pa ng central bank.

Samantala, ang cash remittances o money transfers na idinaan sa mga bangko ay umangat ng 3.3% sa $2.987 billion noong Disyembre mula sa $2.890 billion sa kaparehong buwan ng 2020.

Ang year-to-date cash remittances ay tumaas ng 5.1% sa $31.418 billion mula sa $29.903 biion noong 2020.

“Nothwithstanding the global pandemic, cash remittances sent by OFs across various regions remained robust,” anang BSP.

Sa taunang cash remittances, ang pinakamalaki ay nagmula sa Americas na tumaas ng 7.1%, sa Europe naman ay 5.5%, sa Asia ay 4.5%, at 0.7% sa Middle East.

Ang  US ang nagtala ng pinakamalaking share sa overall remittances noong nakaraang taon sa 40.5%.

Sumusunod ang Singapore, Saudi Arabia, Japan, the United Kingdom, the United Arab Emirates, Canada, Taiwan, Qatar, at  South Korea.

“The combined remittances from these top ten countries represented 78.9 percent of total cash remittances in 2021,” dagdag ng central bank.