(Rerebyuhin ng ERC) HIRIT NA POWER RATE HIKE

ERC

REREPASUHIN ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang aplikasyon ng distribution utlities (DUs) para sa pag-adjust ng singil sa koryente sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan.

Ayon kay ERC Chairperson and CEO Monalisa Dimalanta, magtatakda sila ng panahon kung kailan ito ipapataw at kailangan pang dumaan sa hearing ang apela ng mga power company.

Aniya, iimbitahan ang mga consumer na lumahok sa hearing.

Matapos ang hearing ay tutukuyin ng ERC kung ang dagdag-singil ay ipatutupad sa susunod na billing period at kung hanggang kailan ito ipapataw.

Nilinaw naman ni Dimalanta na maaaring kasama sa cost adjustment ang refund sa consumers at hindi lamang ang dagdag-singil.

“Meron na ngang at least apat na distributor na ang application nila is actually para makapag-refund din sila. So adjustments could be up or down,” aniya.

Kung ang dagdag-singil ay malaki, sinabi ni Dimalanta na uutay-utayin ito. Para naman sa refunds, gagawin itong “one time, big time”.

Nauna nang sinabi ng ERC na may 48 distribution utilities ang nag-apply para sa automatic cost adjustment at true-up mechanisms para sa taong 2020-2022.