(Resulta ng forensic examinations) TAN: DAYAAN SA ARMM POLLS MAY PRUWEBA

Abdusakur ‘Sakur’ Tan

PORMAL  na  naghain ng kanilang mosyon noong Lunes sa Commission on Elections (Comelec) ang kampo ni dating Sulu Governor Abdusakur ‘Sakur’ Tan upang ipawalang-bisa ang resulta ng halalan sa mga lalawigan ng ARMM matapos mapatunayan na halos 80% ng mga bumoto sa mga probinsiya ng Maguin­danao, Lanao Del Sur at Basilan noong 2016 polls ay pawang mga peke  o ‘di tunay na botante ng naturang mga lugar.

Ayon kay Tan, sa isinagawang forensic examination ay hindi nagtugma ang thumbprints ng registered voters nang ikumpara ang mga ito sa aktuwal na bumoto noong 2016 sa tatlong  nasabing mga lalawigan na sakop ng ARMM.

Sa isang panayam, sinabi ni Tan na ‘unfair’ sa mga mamamayan  ng ARMM na pamunuan ng isang huwad o fake na gobernador. Si Tan ay kumandidato bilang regional governor  at kasalukuyang may protestang nakahain at dinidinig ng Comelec laban kay Mujiv Hataman.

Samantala,  kinumpirma ni dating Comelec chairman Sixto Brillantes ang pahayag ni Tan. Ayon kay Brilliantes, ang mga bumoto noong nakaraang eleksiyon ay pawang mga hindi tunay na nakare­histro o ‘yung tinatawag na ‘substitute voters’ na kadalasang nangyayari sa Mindanao.

Dagdag ni Brilliantes, sa 67,000 thumbprints na kanilang ipinasuri, 40,000 dito ay napatunayang peke, kaya dapat ideklarang null and void ang katumbas na bilang ng mga boto sa ARMM. Si Brillantes ay abogado ngayon ni Tan laban kay Hataman.

Ibinunyag ni Tan na noon pa man ay mayroon nang balak mandaya ang administrasyong Aquino at kung ilang beses din siyang pinigilan na labanan si Hataman alinsunod diumano sa bilin ni dating Interior Secretary Jesse Robredo.

Ayon kay Tan, sa isang pagpupulong kasama si Roxas at ang mga pinuno ng AFP, PNP  at Department of Defense (DND), nagbanta si Aquino na personal siyang pupunta sa Sulu at tatanggalin ang buong pamilya ni Tan kung hindi nito iaatras ang kanyang kandidatura.

“Hindi lalaki kausap si Noynoy at walang isang salita”, ayon kay Tan.

Nagpadala rin umano si Aquino ng ilang opisyal sa West Mincom (Western Mindanao Command) at sinabihan ang kanyang anak na “masyadong matigas ang ulo ng tatay mo, baka madamay ka.”

Ayon kay Tan, dahil sa pananakot na ito ay pinuntahan niya ang naturang mga opisyal at sinabihang “kahit i-firing squad n’yo ako, hindi ako magwi-wiwithdraw.” PILIPINO MIRROR INVESTIGATIVE TEAM

Comments are closed.