ROAD WARRIORS BALIK ANG TIKAS

Laro ngayon:

(AUF Sports Arena and Cultural Center)

5 p.m. – GlobalPort vs Magnolia

TINAPOS ng NLEX Road Warriors ang isang buwang paghihirap nang igupo ang Phoenix Fuel Masters sa overtime, 120-115, sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Alonte Stadium sa Biñan, Laguna.

Sumandal ang Road Warriors  sa 9-2 opensiba, kasama ang tres nina Alex Mallari at Larry Fonacier, na sinundan ng game-clinching 5-0 upang iposte ang unang panalo sa apat na asignatura.

Sa panalo ng NLEX, tatlong koponan – Barangay Ginebra at sister team Philippine Cup champion San Miguel Beer at Blackwater – ang naiwan na wala pang panalo.

Naging bayani ng Road Warriors si import Arnett Moultrie na tumapos na may double-double 37 points 17 rebounds,  at walong assists upang tangha­ling ‘best player of the game’.

“Finally, we made it to the win column. They really worked hard and doubled their efforts to win. I congratulate them for a job well done,” sabi ni coach Yeng Guiao.

“Of course, I give credit to Arnett. He played remarkably. He was all over the court piling up points and controlled the board,” pahayag pa ni Guaio patungkol sa kanyang import.

Inako nina Mallari at Fonacier ang scoring mula kay ace gunner Kiefier Ravena na umiskor lamang ng tatlo sa last quarter at bokya sa overtime.

Dinomina ng NLEX ang laro kung saan lumamang ito 15 points, 61-45, papasok sa third period. Subalit biglang nanlamig ang Road Warriors at nakahabol ang Phoenix, 82-84, at naitabla ang talaan sa 84-all sa tira ni James White.

Abante ang  NLEX, 102-93, ngunit  rumesbak ang Phoenix upang ipuwersa ang overtime, 104-104.

CLYDE MARIANO

Iskor:

NLEX (120)  – Moultrie 37, Quiñahan 16, Mallari 13, Fonacier 11, Ravena 9, Miranda 8, Baguio 7, Soyud 7, Tiongson 5, Rios 4, Monfort 3, Ighalo 0.

Phoenix (115) – Wright 31, White 18, Chan 17, Perkins 15, Revilla 9, Mendoza 8, Jazul 8, Kramer 4, Eriobu 2, Chua 2, Alolino 0, Wilson 0, Intal 0.

QS: 28-25, 57-43, 78-72, 104-104, 120-115 (OT).

Comments are closed.