ROAD WARRIORS SINIBAK ANG BOSSING

HINABOL ni NLEX guard Robert Bolick ang bola kayTroy Rosario ng Blackwater sa kanilang laro sa PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta ­Coliseum. Kuha ni PETER BALTAZAR

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)

3 p.m. – Terrafirma vs Rain or Shine

6:15 p.m. – Converge vs Magnolia

HINDI naghintay nang matagal si Robert Bolick para maibalik ang kanyang rhythm na nakatulong sa NLEX.

Sa kanyang ikalawang laro pa lamang para sa Road Warriors, si Bolick ay nagtala ng near-triple double upang pangunahan ang kanyang koponan laban sa Blackwater, 104-97, nitong Biyernes sa PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Tumabo si Bolick ng 30 points, 8 rebounds, 15 assists, at 4  steals para sa NLEX na pinutol ang four-game slide upang umangat sa 3-6 at mapanatiling buhay ang kanilang pag-asa na mapabilang sa walong koponan na uusad sa quarterfinals.

Ang puntos ang pinakamalaki ng isang NLEX local magmula nang kumana si Don Trollano  ng 44 sa Governors’ Cup noong nakaraang season habang ang assists ay kulang lamang ng dalawa para mapantayan ang personal best ni Bolick at ang franchise mark na naitala ni Kiefer Ravena sa 2019 Governors’  Cup.

Sinabi ng dating  NorthPort guard, dinala sa NLEX kasunod ng kanyang short-lived stint sa Japan, na ang panunumbalik ng kanyang tikas ay sa tulong na rin ng coaching staff at ng kanyang teammates.

“‘Di naman talaga ako lang. Credit to my coaches, inilagay nila ako sa magandang sitwasyon. Credit din sa mga teammates ko, ready kami to play,” sabi ni  Bolick, na umiskor lamang ng 9  points at nagbigay ng 4  assists sa kanyang unang laro bilang isang Road Warrior.

“Ilang beses na kaming nabigo so dapat hindi kami mabigo ngayon para maganda naman ang Pasko namin.”

Masaya si winning coach Frankie Lim sa ipinakita ng kanyang tropa dahil kailangan nila ng momentum papasok sa kanilang huling dalawang laro kontra Converge sa Jan. 10 at  Barangay Ginebra pagkalipas ng tatlong araw.

“I told them it’s very important to win this game, it’s a must-win game. If we want to go to the next round it starts today,” ani Lim.

Nalasap ng Blackwater ang ika-8 sunod na kabiguan para maging unang koponan na nasibak sa kontensiyon.

CLYDE MARIANO

Iskor:

NLEX (104) – Bolick 30, Chaffee 20, Nermal 16, Ganuelas-Rosser 12, Valdez 11, Semerad 5, Anthony 4, Rodger 3, Miranda 3, Herndon 0.

Blackwater (97) – Ortiz 27, David 17, Ilagan 16, DiGregorio 12, Suerte 7, Concepcion 6, Rosario 5, Amer 4, Hill 2, Ular 1, Escoto 0, Kwukuteye 0, Guinto 0.

QS: 27-26, 52-51, 77-79, 104-97.