NAGPASABOG si Russell Westbrook ng 41 points at nagdagdag si Robert Covington ng 14 nang igupo ng Houston Rockets ang Los Angeles Lakers, 121-111, noong Huwebes.
Naipasok ni Covington ang pares ng 3-pointers sa huling tatlong minuto sa kanyang debut sa Rockets makaraang kunin siya sa isang four-team trade mula sa Minnesota Timberwolves noong Martes.
Naisalpak ni Covington ang isang 3-pointer, may 2:40 ang nalalabi, para sa 115-111 kalamangan at nagdagdag ng isa pa sa huling 1:27 para sa 120-111 bentahe.
Gumawa lamang si James Harden ng 14 points sa laro sa 3 of 10 shooting para sa Rockets na nakopo ang ika-4 na sunod na panalo.
Umiskor si Anthony Davis ng 32 points at kumalawit ng 13 rebounds, habang nag-amnbag si LeBron James ng 18 points, 15 assists at 9 rebounds para sa Lakers.
BLAZERS 125, SPURS 117
Tumabo si Damian Lillard ng 26 points at 10 assists upang tulungan ang Portland Trail Blazers na maitakas ang come-from-behind win laban sa bisitang San Antonio Spurs noong Huwebes ng gabi.
Tumipa si Carmelo Anthony ng 20 points at 8 rebounds, at nagdagdag si CJ McCollum ng 19 points para sa Trail Blazers na naitala ang ika-6 na panalo sa walong laro.
Napantayan ni Gary Trent, Jr. ang kanyang career best na anim na 3-pointers habang gumawa ng 18 points. Napantayan naman ni Hassan Whiteside ang kanyang season best 23 rebounds at nagtala ng 17 points at 4 blocked shots, habang nagdagdag si Anfernee Simons ng 10 points para sa Portland, na bumuslo ng 9 of 10 mula sa 3-point range sa fourth quarter.
Kumana si Trey Lyles ng season-high 23 points at humugot ng 10 rebounds para sa Spurs, na natalo ng anim sa kanilang huling walong laro.
Gumawa si DeMar DeRozan ng 21 points, habang nagdagdag sina LaMarcus Aldridge ng 20 points at 8 rebounds, Derrick White ng 15 points, Patty Mills ng 14 at Bryn Forbes ng 11 para sa San Antonio, na nahulog sa 0-3 sa eight-game Rodeo Road Trip nito.
PELICANS 125, BULLS 119
Tumirada si rookie Zion Williamson ng 21 points, at nag-ambag si JJ Redick ng 18 mula sa bench nang pataubin ng bisitang New Orleans Pelicans ang Chicago Bulls.
Humataw si All-Star forward Brandon Ingram ng 15 points sa loob ng 21 minuto bago nagtungo sa bench ng New Orleans sa kalagitnaan ng third quarter bilang precaution makaraang ma-sprain ang kanyang right ankle sa second quarter.
Tumipa sina Josh Hart at Nicolo Melli ng tig-12 points para sa New Orleans, habang nag-ambag sina Derrick Favors ng 8 points at 15 rebounds, at Lonzo Ball ng 9 points at 10 assists.
Sa iba pang laro ay naungusan ng New York Knicks ang Orlando Magic, 105-103; at ginapi ng Milwaukee Bucks ang Philadelphia 76ers, 112-101.
Comments are closed.