NAGBUHOS si James Harden ng 29 points at 10 assists upang pangunahan ang Houston Rockets sa 135-105 pagdurog sa Golden State Warriors noong Huwebes ng gabi sa unang laro ng dalawang koponan matapos ang All-Star break.
Tumipa si Russell Westbrook ng 21 points at 10 assists bago napatalsik sa laro, habang nagdagdag si P.J. Tucker ng 15 points. Naipasok niya ang lahat ng kanyang 3-pointers habang kumana ang Rockets ng kabuuang 25 – isang franchise record na hinayaan ng Warriors laban sa isang katunggali. Nagtala ang Houston ng NBA record na 27 3s sa panalo kontra Suns noong nakaraang Abril.
Nagdagdag si Robert Covington ng 20 points at ang lahat ng limang Houston starters ay umiskor ng double figures para sa Rockets.
BUCKS 126,
PISTONS 106
Kumana si Giannis Antetokounmpo ng 33 points at 16 rebounds nang ilampaso ng Milwaukee Bucks ang Detroit Pistons.
Abante ang Bucks sa 70-41 sa halftime at ng hanggang 34 points sa second half.
Nagdagdag si dating Piston Khris Middleton ng 28 points para sa Bucks, na naitala ang ika-15 panalo sa 17 games. Gumawa si Eric Bledsoe ng 19 points at nagposte si Brook Lopez ng 18.
Ang Pistons ay natalo ng limang sunod magmula nang i-trade si Andre Drummond sa Cleveland Cavaliers noong Feb. 6 at naglaro sa unang pagka-kataon magmula nang bilhin ang kontrata ni Reggie Jackson. Kumamada si Christian Wood, isa sa pitong players sa game na nakapaglaro sa parehong koponan, ng 18 points at 11 rebounds. Tumapos si Bruce Brown na may 16 points at 10 rebounds.
HAWKS 129,
HEAT 124
Tumabo si Trae Young ng career-high 50 points upang pangunahan ang Atlanta Hawks sa panalo laban sa Miami Heat.
Naipasok ni Young ang 18 sa 19 free throws at 8 sa 15 3-pointers upang itala ang kanyang scoring high sa kanyang unang laro makaraang maging starter sa NBA All-Star Game.
Kumabig si Bam Adebayo ng 28 points at season-high 19 rebounds para sa Miami. Si Adebayo, ang NBA All-Star skills champion, ay nagdagdag ng pitong assists.
Nalasap ng Miami ang ika-5 kabiguan sa huling anim na laro.
Umiskor sina Kevin Huerter at De’Andre Hunter ng tig-17 points para sa Atlanta.
76ERS 112,
NETS 104
Tumirada si Joel Embiid ng 39 points at 16 rebounds, at nagdagdag sina Alec Burks at Shake Milton ng malalaking baskets sa overtime upang tulungan ang Philadelphia 76ers na mapalawig ang kanilang dominasyon sa home sa pamamagitan ng panalo laban sa Brooklyn Nets.
Naglaro na wala si All-Star point guard Ben Simmons dahil sa lower back tightness, ang Philadelphia ay umangat sa Wells Fargo Center sa 26-2 sa season. Ang 76ers ay 9-19 sa road.
Nagdagdag si Tobias Harris ng 22 points at 12 boards para sa 76ers. Kumana si Burks ng 19 points, kabilang ang pares ng layups sa overtime na nagbigay sa Philadelphia ng kalamangan.
Umiskor si Caris LeVert ng 25 points at nag-ambag si Spencer Dinwiddie ng 22 para sa Brooklyn, na bago ang laro ay inanunsiyo na si Kyrie Irving ay isasailalim sa season-ending surgery sa kanyang kanang balikat.
Sa iba pang laro ay pinaamo ng Hornets ang Bulls, 103-93; at ginapi ng Kings ang Grizzlies, 129-125.
Comments are closed.