NASA P117 billion na kita o 0.5% ng gross domestic product (GDP) ang mawawala sa Pilipinas kapag sinuspinde ng pamahalaan ang pangongolekta ng excise tax sa mga produktong petrolyo, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sinabi ni Budget Assistant Secretary Rolando Toledo na ito ang dahilan kung kaya tinututulan ng economic managers ng bansa ang pagsuspinde sa fuel excise tax para mapagaan ang epekto ng lingguhang pagtaas ng presyo ng petrolyo.
“[The] Development Budget Coordination Committee (DBCC) or the group of economic managers strongly opposes the proposal to suspend the imposition of fuel taxes because it will translate to significant foregone revenues that will be detrimental to our recovery,” ani Toledo.
Ang DBCC ay binubuo ng mga kalihim ng National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Finance (DOF), DBM, gayundin ng governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon kay Toledo, ang inaasahang mawawalang kita na P117 billion ay makaaapekto sa implementasyon ng mga programa at proyekto ng pamahalaan.
Nauna na ring sinabi ng DOF na ang suspensiyon ng excise taxes sa mga produktong petrolyo ay magreresulta sa revenue loss na nagkakahalaga ng P131.4 billion para sa taong 2022 lamang, na maaaring makaapekto sa budget ng gobyerno para sa COVID-19 recovery measures.
Binigyang-diin naman ni DBM officer-in-charge Tina Rose Canda na bagaman ang pagsuspinde sa fuel excise tax ay makabubuti sa transportation at agriculture sectors, makaaapekto naman ito sa iba pang social services.
Bukod dito ay maaari rin aniyang maapektuhan ang K-12 ng Department of Education’s, ang medical assistance ng Department of Health, at ang pagtulong ng Department of Social Welfare and Development sa mga rehiyon sa crisis situations programs.