(Sa first half ng 2023) DIGITAL TRANSACTIONS NG LANDBANK LUMAGO

NAGTALA ang state-owned Land Bank of the Philippines (LandBank) ng double-digit growth sa digital transactions nito sa first half ng taon.

Sa isang statement noong Linggo, sinabi ng LandBank na nakapagsagawa ito ng 94.7 million transactions na nagkakahalaga ng P1.9 trillion sa naturang panahon, tumaas ng 22 percent at 41 percent sa volume at value, ayon sa pagkakasunod.

Ang pinagsamang digital transactions ay isinagawa sa pamamagitan ng Mobile Banking App (MBA), Electronic Modified Disbursement System (eMDS), LandBank Bulk Crediting System (LBCS), Link.BizPortal, iAccess at weAccess.

Ang MBA ang may pinakamarami, na nakapagsagawa ng 76.1 million transactions na nagkakahalaga ng P140.5 billion.

Karamihan sa customers ng LandBank ay gumagamit ng MBA para sa fund transfer, bills payment at pagbili ng government bonds, kabilang ang Retail Treasury Bonds Tranche 29 (RTB-29) na inialok noong Pebrero.

Ang eMDS, ang internet facility ng bangko para sa national government agencies, ay nakapag-facilitate ng 1.4 million transactions na may kabuuang halaga na P1.3 trillion.

Ang mga transaksiyon na isinagawa sa pamamagitan ng electronic bulk disbursement facility LBCS ay umabot sa 3.6 million na may kabuuang halaga na P32.3 billion habang ang Link.BizPortal, isang web-based payment channel para sa pagbabayad ng mga produkto at serbisyo online, ay nagtala ng 4 million transactions na nagkakahalaga ng P6 billion.

Samantala, ang halaga ng mga transaksiyon na isinagawa via online retail banking channel, iAccess, ng LandBank at ng corporate Internet banking platform nito na weAccess, ay nagkakahalaga ng P9.1 billion at P433.3 billion, ayon sa pagkakasunod.

“More customers continue to embrace the advantages of using LandBank’s digital banking solutions,” sabi ni LandBank president and chief executive officer Lynette Ortiz.

“We will drive investments to upgrade our digital infrastructure further, to continue providing convenient, accessible, and secure services,” dagdag pa niya.

-(PNA)