NANANATILING mas mataas sa inaasahang range ang presyo ng sibuyas sa mga palengke sa Metro Manila sa kabila ng napaulat na pagbaba sa farmgate prices sa gitna ng local harvest season at ng pag-dating ng mga inangkat sa bansa.
Sa ulat ng GMA News Online, sinabi ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na ang presyo ng sibuyas sa Metro Manila ay dapat nang bumaba sa P80 kada kilo makaraang pumalo ito sa mahigit P700 kada kilo sa ilang palengke sa Metro Manila markets noong nakaraang taon.
“‘Yung pula ngayon sa Nueva Ecija, lumalakad ng P55 to P60 (per kilogram) naman and ‘yung puti rin, more or less nasa P60 per kilo ang puting sibuyas ang farmgate price. Dapat ang presyo sa Metro Manila siguro nasa P90 or P80 (per kilogram),” pahayag ni SINAG Chairperson Rosendo So sa panayam sa DZBB Super Radyo.
Batay sa report, ang presyo ng sibuyas sa Metro Manila ay nananatiling higit sa P100 kada kilo — ang pula ay nasa P120 hanggang P140/kg habang ang puti ay P100/kg sa Datu Tahil Market sa Commonwealth, Quezon City.
Sa monitoring ng Department of Agriculture (DA), ang presyo ng local red onion ay nasa P90 hanggang P150, habang ang local white onion ay mula P80 hanggang P130 kada kilo sa Metro Manila.