UMAPELA si Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat sa pamahalaan na ipamahagi na ang fuel subsidy sa mga magsasaka at mangingisda.
Sinabi ni Cabatbat na inanunsiyo ng gobyerno ang paglalaan ng P500 million na fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda sakaling pumalo sa US$80 o higit pa ang kada bariles ng krudo sa pandaigdigang merkado sa loob ng tatlong buwan.
Pero nangangamba ang kongresista na dahil walong sunud-sunod na linggo nang tumataas ang presyo ng langis, apektado na ang gastos sa produksiyon sa agrikultura.
Kung magpapatuloy, aniya, ito ay posibleng patungan ang presyo ng mga ani kung saan mga consumer naman ang maaapektuhan.
Binigyang-diin niya na hindi kakayanin ng mga maliliit na magsasaka ang patuloy na pagtaas sa presyo ng langis dahil sinabayan pa ito ng mataas na presyo ng abono at nahirapang makabawi sa kita dahil mababa ang framgate price ng produkto tulad ng palay.
Bukod dito ay baon na rin sa utang ang mga agrikulturang manggagawa at hindi rin makabawi sa kanilang puhunan. CONDE BATAC