(Sa gitna ng patuloy na pagtaas)PRESYO NG ASUKAL TINUTUTUKAN

PATULOY na binabantayan ng Department of Agriculture (DA) ang suplay at presyo ng asukal sa pamamagitan ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

Sa gitna ito ng muling pagtaas ng presyo ng asukal sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Ayon kay DA deputy spokesperson Rex Estoperez, kabilang din sa kanilang mino-monitor ang nagpapatuloy na anihan maging ang distribusyon sa mga palengke.

Aniya, ayaw nilang labis na magmahal ang asukal, partikular ang retail price nito dahil magiging isyu ito at papasok ang gobyerno na pupuwersa sa mga magsasaka na magbaba ng presyo.

Aminado naman si Pablo Azona, kinatawan ng Planters Group sa SRA, na mga middleman ang nagpapataas sa presyo na nagdaragdag ng P28 sa white sugar habang P18 hanggang P20 sa brown sugar.

Batay sa monitoring ng DA sa Balintawak at Kamuning Market sa Quezon City, naglalaro na sa P90 hanggang P110 ang kada kilo ng refined sugar o primera.

Nasa P83 hanggang P95 naman ang kada kilo ng washed sugar o segunda habang P80 hanggang P97 ang kada kilo ng brown sugar.

Halos ganito rin ang presyo noong Setyembre kung saan umabot sa P95 ang kada kilo ng refined, P75 sa washed habang P70 sa brown.

Nilinaw ni United Sugar Producers Federation of the Philippines (UNIFED) president Manuel Lamata na hindi naman ang mga nagtatanim ang nagpapataas ng presyo kundi ang mga trader at retailer.

Maaari lamang aniyang mapababa ang presyo kung magmumura ang gastos, gaya sa krudo na dapat bumaba ng P40 kada litro at pataba na dapat ibalik naman sa P800.

Sa ngayon, ang millgate price ay nasa P70 hanggang P75 kada kilo ng white sugar at P60 hanggang P65 kada kilo para sa brown.

DWIZ 882