(Sa gitna ng Ukraine-Russia crisis) TAAS-PRESYO SA BILIHIN PAGHANDAAN

Joey Concepcion

ASAHAN ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa pag-igting ng tensiyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, ayon kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion.

“We should brace for price increases. Inflation will go up,” sabi ni Concepcion sa Laging Handa briefing

Nitong Huwebes ay naglunsad si Russian President Vladimir Putin ng military operation sa Ukraine kung saan narinig ang mga pagsabog sa bansa.

Ayon kay Concepcion, ang pagtaas ng presyo ng krudo sa mahigit $100 per barrel ay magreresulta sa price increase ng mga bilihin.

Aniya, dahil ang Ukraine ang nagsu-supply ng 25% ng wheat ng mundo, maaari itong maging sanhi ng pagsirit ng presyo ng local bread.

“Epekto niyan dito sa Pilipinas ‘yung presyo ng pandesal,” anang presidential adviser.

“The shortage of Ukrainian wheat being 25% supplier in the world, of course will affect prices… That is a concern,” aniya.

Nauna rito ay pinaghahanda ng mga analyst ang publiko sa mas mataas na presyo ng langis sa gitna ng tensiyon sa Ukraine at Russia .

Anila, ang average price per liter ng gasolina ay maaaring tumaas mula P68 hanggang P77 habang sa diesel ay mula P59 hanggang P73.

Ang halaga ng benchmark Brent crude ay tumaas sa mahigit $102 per barrel magmula noong 2014 makaraang lusubin ng Russia ang Ukraine.

Inaasahan ng mga analyst ang pagsipa ng presyo ng krudo sa $120 per barrel sa mga darating na linggo.