HINDI na kailangan ang COVID-19 vaccination cards sa pagpasok sa malls sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na ang vaccination cards ay hinihingi lamang sa mga establisimiyento na itinuturing na 3Cs (closed, crowded, close-contact) areas.
“Technically, you don’t need to present the vaccination card when you enter a mall. You are only required to present it when inside the mall, (when) you are going to a restaurant, spa, movie house, or a similar establishment classified as 3C (closed, crowded, close-contact venues),” sabi ni Malaya sa isang television interview.
Gayunman, aminado si Malaya na may ilang malls sa Alert Level 1 areas na humihingi pa rin ng vaccination cards bago makapasok ang mga tao.
“It’s something that they want to do and I don’t see anything wrong about that,” aniya.
Tiniyak ni Malaya na tatalakayin ng DILG ang naturang bagay sa local government units (LGUs).
“Hopefully, we can meet with them very soon to clarify that the requirement for the presentation of a vaccination card is at the 3C establishments and not necessarily at the mall where that establishment is located.”
Isinailalim ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang National Capital Region at 38 iba pang lugar sa bansa sa Alert Level 1 mula Marso 1 hanggang 15. PNA