(Sa ilalim ng Alert Level 2) 100K WORKERS BALIK-TRABAHO

MAY 100,000 manggagawa ang inaasahang balik-trabaho na kasunod ng pag- sasailalim sa Metro Manila sa mas maluwag na quarantine restrictions, ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez.

Sa isang briefing sa Malakanyang kahapon, sinabi ni Lopez na may 1.8 million na trabaho ang naapektuhan nang ibalik ang NCR sa pinakamahigpit na  community quarantine status noong Hulyo dahil sa banta ng Delta variant ng COVID-19.

“Based on our estimates, around 100,000 jobs have not yet returned before Level 2. We expect these jobs to return as we are now in Alert Level 2,” ani Lopez.

Ang Metro Manila ay unang isinailalim sa Alert Level 3 hanggang Nobyembre 14.

Ibinaba ito sa Alert Level 2 noong Biyernes sa gitna ng patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 noong nakaraang linggo.