KUNG excited si Jasmine Curtis Smith sa pagpapalabas ng bago niyang teleserye na “Descendants of the Sun” na airing na this coming Feb.10 pagkatapos ng “Anak ni Waray vs Anak ni Biday,” sa GMA7, binuking naman ni Jasmine na atat na atat naman ang kanyang mga magulang at ateng si Anne Curtis, na kapwa nasa Melbourne, Australia.
Halos araw-araw raw panay kumpirma ng mga ito kung kailan ang airing ng DOTS nila nina Dingdong Dantes, to the point na nagpa-subscribe pa sa Pinoy Channel.
Si Anne naman panay tanong kung anong eksena na ang nagagawa ni Jasmine sa DOTS.
Maloka-loka kasi si Jasmine na tila may hawak na script si Anne, dahil alam na alam nito ang lahat ng eksenang gagawin ni Jasmine.
Diyan bilib si Jasmine sa ate niya, napakatalas diumano ng memorya ni Anne. Halos lahat ng teleserye na gawa sa Korea o mga Koreanovela ay pinanood ni Anne kasama na pati ‘yung DOTS na ginagawa ngayon ni Jasmine.
Say pa nga ni Jasmine, di niya keri ‘yung pagka-adik ng kanyang ate pagdating sa panonood ng mga seryeng gawa sa bansang ito. Wala raw pinapalagpas si Anne na Korea soaps at saulado niya ang mga eksena ng mga napanonood.
JON LUCAS HAMON ANG MAPASAMA SA IDOLONG SI DINGDONG DANTES SA PROJECT
BILANG bagong Kapuso actor ay isang malaking hamon para kay Jon Lucas na mapasama sa teleserye ng idolo niyang si Dingdong Dantes, sa Pinoy adaptation ng Koreanovela na “Descendants of the Sun” na mapanonood na simula sa Feb. 10 sa Kapuso Primetime.
Hindi biro ang role ni Jon bilang isang sundalo. Nag-training talaga sila under the supervision of Armed Force of the Philippines.
Nawalay siya sa kanyang mag-ina ng ilang araw. Hindi kaya sadyang binigyan siya ng isang mapanghamon na karakter para masubok ang kanyang pagiging isang Kapuso, o ‘di na ba dati siyang Kapamilya at member ng Hashtags. Masaya raw si Jon sa binigay na project sa kanya, at buong puso niya itong pinasasalamatan sa bago niyang tahanan.
Inamin ni Jon na miss na rin ang mga dati niyang kagrupo sa Dos at lagi naman daw silang nag-uusap sa cellphone. At pagdating naman sa hilig niya ng pagsasayaw, in between takes naman daw ng “Descendants of the Sun,” panay ang sayaw nila ni Dingdong Dantes, na tulad ni Jon, nagsimula rin sa showbiz si Dingdong sa pagsasayaw. Member si Dong ng sikat na dance group noon na Abztract Dancers.
Comments are closed.