“KAILANGAN hindi sila natutulog sa pansitan.” Ito ang pahayag ng Malakanyang kasabay ng pagsasabing ikinagalit ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga naging kapalpakan sa Southeast Asian Games sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakarating na sa Pangulong Duterte ang mga kapalpakang naranasan ng mga dayuhang atleta pagdating sa bansa at hindi ito nagustuhan ng Pangulo.
“Sa madaling sabi ‘yang mga palpak na ‘yan hindi na dapat nangyari, kayang-kayang gawan ng paraan kaya nagagalit si Presidente,” wika ni Panelo.
Sinabi nito na kung napaghandaan lamang nang mabuti at nagkaroon ng contingency plans ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) ay naiwasan sana ang mga kapalpakang pinagdaanan ng mga atletang maagang dumating sa bansa para sa paghahanda sa pagbubukas ng SEA Games sa Nobyembre 30.
“Oo nga eh. Kaya kailangan huwag sila natutulog sa pansitan,” giit ni Panelo.
Sinabi pa nito na madali lang sanang magawan ng paraan ang problemang kinaharap ng mga atleta, subalit nabigo ang Phisgoc na agad na solusyunan ito.
Halimbawa na lamang ang aberyang dinanas ng mga atleta mula sa Cambodia, Thailand na ilang oras na naghintay sa airport dahil sa walang susundong sasakyan, hindi agad na maka-check in sa hotel at sa kaso ng mga atleta ng mga taga Timor Leste na dinala naman sa maling hotel.
Ayon kay Panelo, dapat may fallback na mga plano ang Phisgoc. Dapat umano na maging alerto ang Phisgoc lalo’t nakatuon sa kanila ang pansin ng buong mundo.
Sinabi pa ni Panelo ang naging problema naman sa mga sasakyan susundo sa mga atleta ay naagapan sana kung mayroon lamang nakahandang ibang plano kung magkaroon ng mga aberya.
Nag-react din si Panelo sa mga inihaing pagkain ng mga atleta na kikiam, kanin at itlog. Pagkain umano ito ng mga taong walang pagpipilian.
“Hindi ko nga malaman eh. Kinakain lang ‘yun kapag medyo wala ka ng makain,” giit ni Panelo.
Giit ni Panelo na dapat ay masusustansiyang pagkain ang inihahain sa mga atleta sapagkat sila ay sumasabak sa kompetisyon sa larangan mg palakasan. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.