(Sa kasagsagan ng 2020 quarantine) FINANCIAL LITERACY NAG-LEVEL UP

IBINIDA ng isang digital and culture transformation service provider na isa sa magandang epekto ng pandemya kung kailan kabi-kabila ang kwarantina ay nang madagdagan ang financial literacy ng publiko gamit ang digital banking at maging ang e-wallet.

Sa panayam ng programang Usapang Payaman sa DWIZ 882 kay Mr. Rey Lugtu, founder and CEO ng Hungry Workforce, dahil hindi makalabas ang mga tao sa unang yugto ng pandemya noong Marso 2020, napilitang yakapin ang makabagong teknolohiya gaya ng paggamit ng digitalized money transfer at maging ang apps nito.

Gayunman, batay sa karanasan at obserbasyon ng digital and culture transformation service provider, mas mabilis na natuto sa paggamit ng e-wallet ang mga kabataan.

“Dahil techie ang ating kabataan, malaking porsiyento nila ang naunang tumangkilik sa digital money transfer o ito ngang tinatawag na e-wallet,” ayon kay Lugtu.

Sinegundahan naman ni Mr. Eric Montelibano, integrated communication marketing consultant ng CSBank (Citystate Savings Bank), na nakatulong ang pandemya para tumaas ang porsiyento ng Pilipino na tumangkilik o yumakap sa digital money transactions.

“Dahil hindi makalabas noong quarantine, napilitang mag-download ang mga tao sa apps para umorder ng kanilang essentials, at dito mas inasahan ng elderly ang mga kabataan at estudyante dahil sila ‘yung mas marami ang alam sa internet, sa social media,” ayon kay Montelibano.

Gayunman, aminado naman si Lugtu na nananatiling hamon pa rin sa ibang Pinoy ang makipagtransaksyon gamit ang online apps dahil sa isyu ng seguridad.

Kabilang sa mga pangamba ay seguridad kung ligtas ang online banking transactions, gayundin ang pagkalat ng mga information data na kinatatakutang kumalat sa cyberspace at mabantad sa scam.

Subalit dahil sa nilikhang batas gaya ng SIM Card Registration Act at pinaigting na kampanya sa seguridad ay mahihimok din ang publiko na yakapin ang digital money transactions lalo na ang banking.

Samantala, kapwa kasabay naman ng pagtangkilik sa e-wallet ang pagtaas ng kaalaman sa financial inclusion na nangangahulugang nadaragdagan ang mga maliliit na negosyante at indibidwal para tangkilikin ang financial products at serbisyo ng mga commercial bank, halimbawa ay ang CSBank.

Dagdag pa ni Montelibano na kasabay ng dumaraming subscriber ng e-wallet ay nadaragdagan din ang tumatangkilik sa mga produkto ng bangko gaya ng auto loan. EUNICE CELARIO