HALOS 8.5 milyong commuters ang nag-avail ng libreng sakay ng Metro Rail Transit Line 3 sa unang buwan ng programa.
Ayon sa MRT-3 management, may kabuuang 8,472,637 ridership ang naitala mula Marso 30 hanggang Abril 2022 sa ‘Libreng Sakay’ program nito.
Ang weekday average ng mga pasahero mula Marso 1 hanggang 27 ay 241,800 at tumaas ito sa 309,013 pasahero mula Marso 28 hanggang Abril 30.
Pinalawig ng Department of Transportation (DOTr) ang libreng sakay sa tren hanggang Mayo 30 para makatulong sa pagpapagaan ng pinansiyal na pasanin ng mga commuter sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin.
Nakatakda sanang magtapos ang programa noong Abril 30. Magseserbisyo ito sa lahat ng pasahero ng MRT-3 sa regular operating hours nito mula alas-4:40 ng umaga hanggang alas-10:10 ng gabi araw-araw.
“This will allow the MRT-3 and the DOTr (Department of Transportation) to continue providing assistance to the riding public in their commuting needs amid inflation and high fuel prices, as well as promote the improved services and facilities of the rail line after its massive rehabilitation,” ayon sa MRT-3.
Ang programa ay nakatutulong din na masubok ang kapasidad at performance ng newly-rehabilitated facilities at subsystems ng MRT-3 na mag-accommodate ng hanggang 350,000 pasaheron araw-araw.
Ang programa ay may budget allocation na P7.5 bilyon sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act, ayon kay acting MRT-3 general manager Michael Capati. LIZA SORIANO