MAKATATANGGAP na ng karagdagang benepisyo ang mga Grade 12 students sa mga pampublikong paaralan sa lungsod ng Maynila, senior citizens, person with disability (PWD) at solo parents.
Kasunod ito ng pormal na paglagda ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ng dalawang ordinansa ng nag-bibigay ng P500 monthly financial assistance para sa mga nasabing Manilenyo.
Sinaksihan ang naturang paglagda ng dalawang ordinansa nina Vice Mayor Honey Lacuna, Majority Floor Leader Joel Chua, at mga miyembro ng Manila City Council kahapon na isinagawa sa Bulwagang Katipunan ng Manila City Hall.
Sa ilalim ng Ordinance No. 8564, lahat ng kuwalipikadong Grade 12 students na naka-enroll sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod, may maayos na estado, bonafide resident at rehistradong botante ng Maynila ay makatatanggap ng P500 kada buwan sa lokal na pamahalaan.
Kung wala pa sa legal na edad ang estudyante, ang kanilang mga magulang o legal guardian ay dapat na rehistradong botante ng lungsod.
Maaaring madisqualify sa pagtanggap sa naturang allowance ang isang estudyante kung sila ay matatanggal sa paaralan bago magtapos ang school year.
Ang Ordinance No. 8565 ay nagbibigay rin ng P500 monetary allowance para sa mga Manilenyong senior citizens, persons with disability, at solo parents. Makatatanggap sila ng ATM card kung saan idedeposito ang kanilang buwanang allowance.
Upang maging kuwalipikado sa benepisyo, ang mga senior citizen ay dapat na nasa 60 taong gulang, bonafide resident at rehistradong botante rin ng lungsod at dapat kabilang sa master list Senior Citizens Affairs at sa Manila Department of Social Welfare para sa mga PWD at solo parents. PAUL ROLDAN
Comments are closed.