(Sa mga biktima ng kalamidad) 15.4K FAMILY FOOD PACKS INIHATID NG US MARINES

DAVAO DE ORO- NASA 15,400 Family Food Packs mula sa Department of Social Welfare and Development ang naihatid ng United States Marine Corps sa mga naapektuhan ng kalamidad sa nasabing lalawigan bilang bahagi ng kanilang pagtulong sa humanitarian and disaster relief operations ng Armed Forces of the Philippine.

Inihayag kahapon ng AFP na natapos na ng U.S. Marine Corps ang paghahatid ng mga relief packs sa mga nasalanta ng landslides sa barangay Masara sa bayan ng Maco sa pakikipag ugnayan sa USAID.

Gamit ang dalawang KC-130J “Super Hercules” cargo aircraft ng US Marine Corps ay nakumpleto na nito ang paghahatid ng nasa mahigit 15,000 family food packs sa naturang lalawigan.

Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Xerxes Trinidad, ang presensya ng allied forces sa bansa ay nagreresulta ng pag-asa at suporta sa mga Pilipinong apektado ng naturang kalamidad.

Aniya, ito rin ay sumasalamin sa mas matibay na samahan at ugnayan sa Pilipinas at Estados Unidos partikular na sa mga ganitong uri ng pagkakataon.

Kaugnay nito, nagpahayag din ng pasasalamat si AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. sa Amerika dahil sa tulong na ipinagkaloob nito sa mga relief operations sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad sa Mindanao.

“We are deeply thankful for the support rendered by the US in our relief operations. Their assistance truly helped aid the affected communities in Mindanao,” ani Gen. Brawner Jr. kasabay ng pahayag na hinggil sa kahalagahan ng prepositioning ng mga HADR equipment, supplies and relief goods sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites para sa mga kahalintulad na kaganapan sa hinaharap.

“Through EDCA, the improvements in our bases and the prepositioned US assets will allow us to respond quickly and more efficiently in the future. Together with our ally and fellow Filipinos, we will strive to ensure that no one is left behind in our journey toward recovery and resilience,” dagdag pa ni Gen. Brawner.
VERLIN RUIZ