ANG mungkahing 60-40 sharing scheme para sa joint oil exploration deal ng Filipinas sa China sa West Philippine Sea ay patas lamang.
Ito ang inihayag kahapon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa ginanap na press briefing sa Malakanyang kaugnay sa joint exploration na gagastusan naman ng Beijing.
“That’s the net because they spend for all construction and all other things.They’re spending for it and we’re getting more. More than fair right?” wika ni Esperon.
Pinaliwanag ni Esperon na ang 60-40 sharing deal din ang siyang ginamit sa Malampaya gas field.
Ang Filipinas at China ay kapwa bumuo ng kani-kanilang grupo na siyang naatasang magsapinal sa mga kasunduang may kinalaman sa joint oil at gas exploration sa mga piling lugar sa West Philippine Sea na nabuo noong ika-limang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China noong nakaraang Agosto.
Kabilang si Esperon sa five-man steering committee mula sa Filipinas na pinamumunuan ni Foreign Affairs Teodoro Locsin Jr. na naghahanda na para sa isasagawang first round ng pakikipag-usap sa China sa buwang ito.
Sinabi ni Esperon na ang share ng Filipinas ay posible pa rin namang tumaas, subalit walang katiyakan kung igigiit ng pamahalaan ang mas mataas na share sa joint exploration na ito sa kanilang pakikipag-usap sa Chinese steering committee.
“60-40 is a desirable share but it is not final.It could even go up to 61 or more” ani Esperon.
Nang tanungin kung saan ang areas of exploration, sinabi ng kalihim na bagaman nasa west side ng Palawan ang mga ito ay hindi pa tinukoy ang mga partikular na mga lugar ng isasagawang joint exploration.
Nauna nang iminungkahi ng China ang 60-40 sharing scheme pabor sa Filipinas ang isasagawang joint exploration na naging katanggap-tanggap naman kay Pangulong Duterte.
Ang Filipinas at China ay lumagda sa isang memorandum of understanding (MOU) noong nakaraang taon para sa joint oil and gas development West Philippine Sea. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.