(Sa pagluluwag ng panuntunan  sa mga dayuhang negosyante) DAGDAG NA TRABAHO SA MGA PINOY

SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang pagluluwag ng mga panuntunan sa mga dayu- hang negosyante ay makapagbibigay ng tra- baho lalo na sa mga Pilipinong apektado ng pandemya at magpabibilis sa pagpapasigla sa ekonomiya ng bansa.

Kamakailan lang ay niratipikahan na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang bicameral conference committee report sa inamyendahang Foreign Investments Act of 1991.

“Ang pag-amyenda sa Foreign Investments Act ay napapanahon lalo na ngayong unti-unti na nating binubuksan ang ekonomiya. Makakaasa ang mga mamumuhunan ng suporta mula sa gobyerno upang maging mas kaakit-akit na destinasyon ang bansa para sa mga mamumuhunan na gustong magtayo ng negosyo dito,” ani Gatchalian, isa sa may-akda ng Senate Bill No. 1156.

Sa pag-amyenda sa FIA, mahihikayat na ang mga dayuhang propesyonal na magtrabaho sa bansa at ibahagi ang kanilang kaalaman, kadalubhasaan, kasanayan at teknikal na kaalaman upang palawakin at itaas ang kalidad ng pagtatrabaho ng mga Pilipino sa domestic at international labor markets.

“Sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman at teknolohiya, magiging mas kaaya-aya ang bansa sa pagnenegosyo na siyang daan upang mahimok ang mas marami pang dayuhang negosyante na magtayo ng negosyo dito na nangangailangan ng mga manggagawang may mataas na kasanayan,” sabi ni Gatchalian.

“Kasunod ng unti-unti nating pagbangon mula sa pandemya, makakaasa tayo na lalawak pa ang merkado kapag naisabatas na ang panukalang ito. Kasunod niyan ay ang pagbubukas ng mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.

Kasama sa nasabing panukalang batas ang suhestiyon ni Gatchalian na magtatag ng online portal na magsisilbing central database, kasama na ang pagkakaroon ng directory ng mga local partner mula sa mga priority sector na magiging daan sa pagtataguyod ng ­negosyo. VICKY CERVALES