(Sa pagso-sorry sa SEA Games) DUTERTE, CAYETANO HINANGAAN

duterte

HINANGAAN at iti­nuring na kababaang loob ng Olympic Council of Asia (OCA) ang paghingi ng paumanhin ni Pangulong ­Duterte at Speaker Alan Peter Cayetano tungkol sa ilang ‘aberya’ bago pormal na magsimula ang 30th SEA Games sa bansa.

Sinabi ni Wei Jizhong, bise presidente ng OCA na ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng sports na humingi ng sorry ang Pangulo ng bansa at organizer ng palaro na isang speaker of the House sa kabila ng katotohanang normal ang pagkakaroon ng kaun­ting problema sa lahat ng mga sports events na idinaraos maging sa ibang panig ng mundo.

“The  republic go­vernment and the speaker of the parliament apo­logized, this is the first time. I have never heard of it before,”  ayon kay Jizhong sa kanyang pag­harap sa mga mamamahayag sa isang pulong balitaan.

Nauna nang humingi ng paumanhin si Duterte dahil sa ilang aberya sa transportasyon at pagkain sa paghahanda ng bansa para sa 30th SEA Games. Sinabi ni Duterte na hindi hahayaan ng kanyang gobyerno na pabayaan ang kapakanan ng mga atleta.

Nag-sorry rin si Ca­yetano, pinuno ng Phisgoc na siyang organizer ng SEAG, at nangakong aayusin at sosolusyunan ang mga naturang ­aberya.

Kaugnay nito, sinabi ni Jizhong na ang ginawang pagpapakumbaba ng dalawang mataas na lider ng bansa na aminin ang pagkukulang ay patunay lamang na handa na ang Filipinas na mag-host ng mas mala­king international sports event katulad ng Asian games  na magaganap pagkatapos ng sampung taon.

Kaya naman hinikayat ni Jizhong ang ­Filipinas na mag-bid para sa Asian Olympics na gaganapin sa 2030 lalo pa at napahanga ang opisyal sa olympic quality ng bagong  gawang stadium at aquatic center sa New Clark City sa Tarlac.

‘With Philippine leaders owning up to lapses, the Philippines shows that it is ready to host more “bigger-scale games,” ayon pa kay Jizhong.

Idinagdag pa ni Jizhong na ang mga  nangyaring gusot sa SEAG ay nangyayari rin maging sa Asian games.

‘To have some problems in the beginning of the game, in all the games, including Asian Games, we have similar happening,” ayon pa kay Jizhong. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM