(Sa pagtaya ng BSP) INFLATION TULOY SA PAGBAGAL

BSP-INFLATION

NANINIWALA ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpapatuloy ang pagbagal ng inflation sa Hunyo o mananatili ang level nito mula sa naunang buwan kasunod ng pagbaba ng presyo ng karne at prutas, gayundin ng liquefied petroleum gas (LPG).

Sa isang statement nitong Biyernes, sinabi ng BSP na ang inflation para sa Hunyo ay maaaring maitala sa 5.3% hanggang 6.1%.

Gayunman, ang upward price pressures ay maaaring magmula sa mas mataas na presyo ng bigas, gulay, isda, oil products, at singil sa koryente, gayundin sa paghina ng piso.

Nakatakdang ilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang June inflation data sa Hulyo 5.

Nauna nang nagpahayag ng kumpiyansa ang central bank na makakamit ng pamahalaan ang target band nito na 2% hanggang 4% sa huling bahagi ng 2023.

Sinabi rin ni Finance Secretary Benjamin Diokno na naniniwala siyang maaaring bumaba pa ang inflation rate sa below 2% sa unang tatlong buwan ng susunod na taon.

Dahil sa pagbagal ng inflation sa mga nakalipas na buwan ay huminto ang BSP sa pagtataas ng interest rates.

Noong Mayo, ang inflation ay naitala sa 6.1 percent.