INAASAHANG babagal ang inflation sa Oktubre, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa pagtaya ng BSP, ang inflation sa October ay maitatala mula 5.1 hanggang 5.9%, mas mababa kumpara sa 6.1% noong Setyembre.
Sa isang statement, sinabi ng central bank na ang mas mataas na presyo ng koryente, LPG, prutas, at isda, gayundin ng dagdag-pasahe sa jeepney, ang main drivers ng price pressures noong nakaraang buwan.
Gayunman, ang mas mababang presyo ng bigas, karne, at gulay, kasama ang price cut sa petrolyo, ay maaaring magtulak sa presyo ng mga bilihin pababa.
“Going forward, the BSP will continue to monitor developments affecting the outlook for inflation and growth in line with its data-dependent approach to monetary policy formulation,” ayon sa BSP.
Sa pagtatapos ng third quarter ngayong taon, ang inflation ay may average na 6.6 percent, mas mataas sa 2 percent hanggang 4 percent target range ng BSP hanggang 2024.
Noong nakaraang buwan ay naitala ng bansa ang pinakamabilis na pagtaas sa rice inflation sa loob ng mahigit isang dekada sa 17.9%. Ito’y sa gitna ng rice price ceiling na ipinatupad ni Presidente Ferdinand Marcos Jr.
Ang rice price cap ay inalis noong Oct. 4.
Inaasahan ni BSP Governor Eli Remolona na mananatiling mataas ang inflation rate hanggang sa first half ng 2024 subalit bababa ito sa target band sa third quarter ng susunod na taon.
LIZA SORIANO