(Sa Q1 ng 2022 – SWS) 10.9M PAMILYANG PINOY MAHIRAP

NASA 43 percent o 10.9 mi- lyong pamilyang Pinoy ang nagsabing mahirap sila, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Abril.

Mas mababa ito ng 6 percent kumpara sa 49 percent na naitala sa first quarter ng 2021.

Sa mga nagsabing mahirap sila,  6.1 percent ang bagong mahirap o hindi mahirap, isa hanggang apat na taon na ang nakalilipas;  4.5 percent ang ‘usually poor’ o non-poor, limang taon o higit pa ang nakalilipas; at 32.2 percent ang laging mahirap o hindi pa nakararanas na hindi maging mahirap.

Samantala, tumaas ang bilang ng mga respondent na nagsabing hindi sila mahirap ng 6 percent — mula 17 percent noong nakaraang taon sa 23 percent ngayong taon, habang ang mga nagsabing borderline poor sila ay halos hindi nagbago mula 33 percent hanggang 34 percent noong Abril  2022.

Gayunman, ang self-rated poverty threshold ay tumaas ng P2,000 — mula P13,000 noong Mayo 2021 sa P15,000 noong April 2022 — habang ang national median para sa self-rated poverty gap ay tumaas sa P6,000 mula P5,000.

“The self-rated poverty threshold is the minimum monthly budget self-rated poor families say they need for home expenses in order not to consider themselves poor, while the self-rated poverty threshold gap is how much poor families lack in their minimum monthly budgets relative to their self-rated poor threshold,” ayon sa SWS.

Ang survey ay isinagawa ng SWS sa face-to-face interviews sa  1,440 adult respondents sa buong bansa mula Abril 19 hanggang 27. Ang resulta ng survey ay may  ±2.6 percent sampling error margin para sa national percentages.