(Sa rami ng COVID-19 patients) OSPITAL SA CEBU NASA CRITICAL POINT

Maria Rosario Vergeire

INAMIN kahapon ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na malapit nang umabot sa critical point ang mga pagamutan sa Cebu City dahil sa rami ng mga naitatalang pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Vergeire, karamihan sa health facilities ng lungsod ay Level 1 category lamang na na­ngangahulugang wala silang kapasidad na mag-alok ng intensive care unit (ICU).

“Ngayon sa Cebu, ang situation, tulad ng sabi ko, nearing critical point ‘yung kanilang mga critical care resources like the isolation beds, ‘yung mga ICU, tsaka mechanical ventilators,” ani Vergeire sa ginanap na pulong balitaan.

“Marami sa kanila Level 1 hospital. Hindi sila puwedeng magkaroon ng ICU. Kailangan pa nilang mag-add on service, magkuha ng additional equipment, espesyalista para sila ay pa­yagan,” dagdag pa nito.

Ani Vergeire, iilan din lang ang tertiary level hospitals sa lungsod ngunit halos nasa critical level na rin ang mga ito dahil sa rami ng naka-admit na pasyente.

“’Yung iba pang malalaking hospitals sa Cebu ay medyo nandoon na sa critical na marami na talagang naka-admit. Tapos ‘yung mechanical ventilators nila, marami na rin ang gumagamit,” aniya pa.

Tinukoy pa ni Vergeire, ang Chong Hua Hospital na 98% nang okupado dahil puno na ang 188 sa 190 regular beds nito at ang 19 sa kanilang 20 ICU beds.

Naka-quarantine na rin aniya ang 238 sa kanilang mga health worker.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Vergeire na kumikilos na ang DOH para sa karagdagang health workers para sa pag-aasikaso sa mga pasyente.

Nananatiling nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang Cebu City hanggang sa Hulyo 15 dahil sa patuloy na pagdami ng COVID-19 infections. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.