INAASAHAN ang pagtaas ng terminal fee sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa 2025, ilang buwan lamang matapos ang turnover ng operasyon ng airport sa isang pribadong kompanya, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na ang terminal fee ay maaaring tumaas hanggang P950 mula sa kasalukuyang P550 sa gitna ng P170.6-billion rehabilitation na isasagawa ng San Miguel Corporation-led consortium sa main gateway simula sa September.
“Kailangan namang ma-compensate natin ‘yung concessionaire doon sa investments nila. But with the investments that they will do, the charges that they will collect, mag-iimprove yung effiency ng airport from 32 million capacity ngayon, magiging 60 to 62 million. That would mean a more comfortable, better experience for the passengers,” sabi ni Bautista.
Subalit sinabi niya na ang eksaktong halaga ng pagtaas ay aaprubahan pa ng gabinete.
Posible rin, aniya, na i-forego ng pamahalaan ang ilan sa kita nito mula sa concession deal upang mapigilan ang anumang pagtaas o mabawasan ito.
“Ayokong i-preempt. ‘Yung amount kasi we have to finalize that,” ani Bautista.
Samantala, tataas din ang airport charges tulad ng landing at takeoff fees na binabayaran ng airlines subalit rerebyuhin pa ito.
“Sabi nga nung mga airlines, baka naman mabigla naman kami, biglang taas. Kaya we’ll review this with the cabinet,” dagdag ni Bautista.
Aniya, ang huling pagkakataon na itinaas ng NAIA ang passenger service fees ay noon pang 2000.