(Sa susunod na taon)WALANG BUDGET SA ‘LIBRENG SAKAY’

WALA sa 2023 budget ng Department of Transportation (DOTr) ang pondo para sa programa na nagkakaloob ng libreng sakay sa mga commuter sa susunod na taon at nagbibigay ng insentibo sa public utility vehicle (PUV) drivers at operators na lumahok sa inisyatiba.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation nitong Huwebes, sinabi ni Transportation Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Marke Steven Pastor na humiling ang ahensiya ng P12 billion para sa service contracting program para sa 2023.

Gayunman ay hindi, aniya, ito naisama sa National Expenditure Program (NEP).

Sa ilalim ng NEP, ang DOTr ay may proposed budget na P171.1 billion para sa susunod na taon, tumaas ng 120.4% mula sa P75.8 billion noong 2022

Ang service contracting o ‘Libreng Sakay’ program ay isang inisyatiba ng DOTr at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na inilunsad noong huling bahagi ng 2020 sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act upang tulungan ang mga commuter at ang mga nasa public transport sector na naapektuhan ng pandemya.

Ipinagpatuloy ng DOTr ang pagpapatupad sa programa noong 2021 at 2022.

“We are apealing na mapondohan ang service contracting upang next year ay may pondo po ang Libreng Sakay,” sabi ni Pastor sa House panel.