(Sa unang pagkakataon sa loob ng 10 taon) LAKERS BIYAHENG NBA FINALS

Lakers

KUMANA si LeBron James ng 38 points, 16 rebounds at 10 assists upang pangunahan ang Los Angeles Lakers sa kanilang unang NBA finals sa loob ng isang dekada sa pamamagitan ng 117-107 panalo laban sa Denver Nuggets sa Game 5 ng Western Conference finals noong Sabado (US time) sa Orlando.

Tumipa si Anthony Davis ng  27 points para sa Lakers, na umabante sa kanilang unang NBA finals magmula noong 2010, nang pataubin nila ang  Boston Celtics sa pitong laro. Makakasagupa nila ang  Boston Celtics o Miami Heat.

Umiskor si Nikola Jokic ng 20 points at kumalawit ng 7 rebounds para sa Denver. Gumawa rin si Jerami Grant ng 20 points, habang tumapos si Jamal Murray, nagtamo ng  right knee contusion sa first half, na may 19 points at 9 assists. Nagdagdag si Paul Millsap ng 13 points.

Isang three-point play ni Jokic ang tumapyas sa kalamangan ng Lakers sa 103-99, may 4:35 ang nalalabi. Gayunman ay bumanat si James ng siyam na sunod na puntos upang selyuhan ang panalo ng Los Angeles.

Binura ng third-seeded Nuggets ang 3-1 deficits sa back-to-back series laban sa Utah Jazz at Los Angeles Clippers ngunit hindi nila ito nagawa sa Lakers, ang top seed sa West.

Sa third quarter ay pinalobo ng Lakers ang kanilang 10-point halftime edge sa hanggang 16 points. Makaraang tawagan si Dwight Howard ng ‘flagrant foul’ kasunod ng collision kay Millsap, may 4:29 ang nalalabi sa quarter, tinapyas ng Nuggets ang deficit sa 80-73 sa likod ng 3-pointer ni Michael Porter Jr. pagkalipas ng 16 segundo.

Isang 9-2 run ang naglapit sa Nuggets sa 82-80, may isang minuto ang nalalabi sa quarter. Dalawang free throws ni Murray ang nagtabla sa iskor sa 84 bago kumamada si  Davis ng 3-pointer na nagbigay sa Lakers ng 87-84 bentahe papasok sa fourth quarter.

Umiskor si Grant ng 14 points sa third.

Tinanggap ni Jokic ang kanyang ikatlong foul sa 9:32 ng second quarter kung saan naghahabol ang Nuggets sa 35-34. Sinindihan ni James ang 14-4 run na may 8 points para sa 49-38 kalamangan ng Lakers sa kalagitnaan ng quarter.

Ibinaba ng Denver ang margin sa pito bago kinuha ng Los Angeles ang 61-51 bentahe sa break.

Comments are closed.